Daughters of Saint Paul

HULYO 1, 2018 IKA -13 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

MARCOS 5:21-24; 35-43

Pagkatawid ni Jesus sa lawa na sakay sa bangka, pinagkalipumpunan siya ng maraming tao sa tabing-dagat. At may dumating na isang pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Nagpatirapa ito sa kanyang paanan at pilit na ipinakiusap sa kanya: “Naghihingalo ang aking dalagita kaya halika para maligtas siya at mabuhay sa pagpapatong ng iyong mga kamay…”Kaya umalis si Jesus kasama nya at sumunod din sa kanya ang mga tao na gumigitgit sa kanya. Nagsasalita pa si Jesus nang may dumating galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, at sinabi nila: “Patay na ang iyong anak na babae. Bakit mo pa iniisturbo ngayon ang Guro?” Ngunit hindi sila initindi ni Jesus at sinabi sa pinuno: “Huwag kang matakot , manampalataya ka lamang…” At wala siyang pinayagang sumama sa kanya liban kina Pedro, Jaime at Juang kapatid ni Jaime. Pagdating nila sa bahay, nakita nya ang kaguluhan: may mga nag-iiyakan at labis na nagtataghuyan. Pumasok si Jesus at sinabi: “Bakit nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” At pinagtawanan nila siya. Ngunit pinalabas ni Jesus ang lahat, at ang ama at ina lamang nito ang isinama at ang kanyang mga kasamahan.Pagpasok niya sa kinaroroonan ng bata,hinawakan niya ito sa kamay at sinabi: “Talita kum,” na ang ibig sabihi'y “Nene, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka. At noon di'y bumangon ang bata at nagsimulang maglakad. (Labindalawang taon na nga siya.) At nagkaroon ng pagkamangha, malaking pagkamangha. Mahigpit na iniutos ni Jesus sa kanila na huwag itong sabihin kaninuman, at sinabi sa kanila na bigyan ng makakain ang bata.

PAGNINILAY:

Dalawang himala po ang narinig natin sa Ebanghelyo ngayon:  Ang pagbuhay ni Jesus sa anak ni Jairo, at ang pagpapagaling sa babaeng labindalawang taon nang dinudugo.  Kung dose anyos ka nang dinudugo, hindi ba parang unti-unti ka na ring namamatay? Sa pagbuhay sa dalagita at  at pagpagaling sa babae, ipinapakita ni Jesus na 'hindi ginawa ng Diyos ang kamatayan,' gaya ng sinasabi sa Aklat ng Karunungan. Nilikha niya tayo upang mabuhay magpakailan man. Kaya, kapatid, huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Anumang dagok sa buhay ang hinaharap mo ngayon, tumawag ka sa Panginoon ng Buhay. Maririnig mo siyang nagsasabi: "Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang."