Daughters of Saint Paul

HULYO 3, 2018 MARTES SA IKA-13 NA LINGGO NG TAON / Santo Tomas, Apostol (Kapistahan)

JUAN 20:24-29

Hindi nila kasama si Tomas na tinaguriang Kambal, na isa sa Labindalawa, nang dumating si Jesus.. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sinabi naman niya: “Maliban lamang na makita  sa kanyang mga kamay ang tatak ng mga pako at maipasok  ang aking daliri sa pinaglagusan  ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko—ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”

PAGNINILAY:

Naranasan mo na bang mabansagan dahil sa isang pagkakamali? At kahit na ano pa ang gawin mo para maalis ang 'tatak' ng iyong kamalian eh hindi na talaga ito mabubura o mababago?  Ganyan ang nangyari kay Santo Tomas – na ipinagdiriwang natin ang kapistahan ngayon. Siya ang unang bumigkas ng malalim na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo na nabuhay-muli. Nang sabihan siyang: "Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!" Naibulalas niya: "Panginoon ko at Diyos ko!"  Ipinalaganap ni Santo Tomas ang Mabuting Balita hindi lang sa kanyang bayan kundi sa mga taga-Persia hanggang sa umabot siya sa India kung saan siya namatay. Pero hanggang sa ngayon, tinagurian pa rin siyang mapag-alinlangan o nagdududang Tomas. Doubting Thomas pa rin ang tawag natin sa kanya. Kawawang Tomas!  Isinabuhay ni Santo Tomas ang kanyang pananampalataya sa Panginoon hindi lang sa pagsambit ng salita kundi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pag-aalay ng sarili hanggang sa huling sandali.  Huwag nawa tayong magdamdam o padala sa mga paratang sa atin dahil sa ating pagkakamali. Maging bukas nawa ang ating mga mata sa mga pagpapatunay ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay sa araw-araw. Amen.