Daughters of Saint Paul

HULYO 4, 2018 Miyerkules sa ika-13 na Linggo ng Taon / Santa Isabel ng Portugal

MATEO 8:28-34

Pagdating ni Jesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa libingan. Napakabangis nila kayat walang makadaan doon. Bigla silang sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka ba para pahirapan kami bago sumapit ang panahon?” Sa may di kalayua’y maraming baboy na nanginginain. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga baboy.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Umalis kayo.” Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy—at hayun! nahulog sa bangin ang lahat ng baboy papuntang dagat, at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. Pagdating nila sa bayan, ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng mga demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan para salubungin si Jesus; at pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.

PAGNINILAY:

"Sister, bakit kung sino pa yung malapit sa akin, yung mga kapatid at mga magulang ko, ang ayaw tumanggap sa Panginoong Jesucristo? Ginawa ko na ang lahat para ilapit sila sa Simbahan pero lalo lang nila akong inilalayo sa kanila. Ano po ang gagawin ko?" Isa ito sa mga hinaing na naririnig ko sa maraming tao. Masakit at nakakadismaya na kung sino pa ang mahal mo ang hindi mo mailapit sa Panginoon. Minsan, kailangan ng bagong strategy para hindi sila matakot talikuran ang mali at muling magbago. Minsan naman, katulad ng ebanghelyo ngayon, mas pinahahalagahan ng iba ang materyal na bagay kaysa sa kaligayahang walang humpay na dala ng Panginoong Jesus. Natatakot sila na baka hindi lang mga baboy ang mawawala sa kanila. Mas gusto pa nilang umalis si Jesus sa buhay nila kaysa isuko ang mga sagabal sa pakikiisa sa kanya. Sa ganitong pagkakataon, kailangan tayong manalangin at sumampalataya sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos na kayang magpabago ng puso. Lakipan din natin ito ng walang-sawang pagpapatawad at pagtanggap sa kanila upang sa ating pagmamahal ay masalamin nila ang pagmamahal ng Diyos.   O tulad ni Santa Monica, kailangan tayong manalangin ng maraming taon, mag-alay ng sakripisyo at tumangis para sa kaligtasan ng kanyang anak na si Agustin. Sinong mag-aakala na ang isang hindi sumasampalataya ay magiging Santo at mahusay na tagapagturo ng Simbahan? Hingin natin ang tulong ng Banal na Espiritu upang buksan niya ang kanilang puso sa katotohanan at sa walang maliw na pagmamahal ng Panginoon.