MATEO 9:9-13
Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sumunod sa kanya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasalo ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana n’yo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kapistahan po ngayon ni Maria Goretti, isang dalaga at martir. Namatay sa malaria ang ama ni Maria at nahirapan ang kanyang ina na maitaguyod silang magkakapatid. Nagtrabaho sa bukid ang kanyang ina at mga kapatid samantalang naiwan sa bahay si Maria para mag-asikaso at mag-alaga ng kanilang bunsong kapatid. Isang araw, pinagtangkaan siyang gahasain ng kanilang kapitbahay na si Alessandro. Sumigaw si Maria na kasalanang mortal ito at binalaan niyang pupunta si Alessandro sa impiyerno kapag itinuloy ang balak. Nanlaban si Maria habang nagmamakaawang sinasabi: "Huwag! Kasalanan ito. Hindi ito gusto ng Diyos!" Sinakal siya ni Alessandro kaya't nasabi niyang mas mabuti pang mamatay siya kaysa magkasala. Nang marinig ito ng lalaki, kumuha siya ng kutsilyo at pinagsasaksak si Maria. Labing-isang beses. Nang magtangka si Mariang tumakas, sinaksak niya pa ulit ito ng tatlong beses, at saka kumaripas ng takbo. Dinala siya sa ospital nang matagpuan ng kanyang ina, pero dahil sa dami ng sugat, hindi na nakayanan ng doktor na iligtas ang buhay ng batang babae. Bago siya puma-naw, sinabi niyang pinatatawad niya si Alessandro at ipinagdarasal na makasama niya ito sa langit. Nakulong si Alessandro. Pagkalipas ng dalawampu't pitong taon, nang siya'y malaya na, nagpunta siya sa ina ni Maria at humingi ng tawad. "Kung napatawad ka ng anak ko, sino ako para ipagkait ang kapatawaran sa iyo," sagot ng ina ni Maria. Naging Santa si Maria Goretti noong 1950 at kasama sa mga nagdiwang sa St. Peter's Basilica sa canonization si Alessandro. Pagkatapos noon, naging lay brother siya ng mga Franciskanong capuchino, at naglingkod sa Panginoon hanggang mamatay siya. Isinabuhay ni Maria ang sinabi ng Panginoon sa ebanghelyo ngayon: "Awa ang gusto ko, hindi handog." Ikaw, kapanalig, may naghihintay ba ng iyong awa at pagpapatawad?