MATEO 9:14-17
Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno. Walang magtatagpi ng bagong pirasong tela sa lumang balabal sapagkat uurong ang tagpi at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputok ang mga sisidlan at matatapon ang alak at masisira rin ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak; sa gayo’y pareho silang tatagal.”
PAGNINILAY:
Kahapon, tinanong sa ebanghelyo si Jesus kung bakit siya kumakain na kasalo ng mga makasalanan at maniningil ng buwis. Ngayon naman, tinatanong din siya kung bakit kumakain siya! Gusto yata nila na mag-ayuno si Jesus nang lagi-lagi! Para sa mga Judio, isang beses lang sa isang taon sila kailangang mag-ayuno. Pero nag-aayuno ang ibang nang mas madalas upang ipakita ang kanilang debosyon at nang mapalapit sila sa Diyos. Dalawa ang naging sagot ni Jesus sa kanilang katanungan: una, hindi nagluluksa kapag kasal ang nobyo dahil panahon ito ng pagdiriwang at pagsasaya. Kapag wala na siya sila mag-aayuno. Bakit ka nga naman pupunta sa handaan sa kasal kung hindi ka naman kakain? Mas malalim ang ikalawang sagot, at nagbigay siya ng dalawang halimbawa para mas lalo nilang maunawaan. Hindi ka gagamit ng bagong tela para itagpi sa lumang balabal na may punit dahil lalong lalaki ang sira. At hindi ka rin maglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlan dahil pareho lang silang masasayang. Pinipilit kasi ng mga Pariseo na isunod ang turo ni Cristo sa kanilang makalumang pananaw. Hindi ito gagana! Kumakatawan ang lumang tela at lumang sisidlan sa Judaismo samantalang ang turo ni Jesus ang bagong tela at bagong alak. Ipinapakita niya ang isang radikal at bagong pag-unawa kung paano maglingkod at magmahal sa Diyos. Hindi sinusukat ni Jesus ang relihiyon sa panlabas na gawa tulad ng pag-aayuno o pagsunod sa batas. Para sa kanya, mas mahalaga ang kalooban ng tao, kung ano ang espiritung gumagalaw sa kanya. Araw-araw, kailangan nating isabuhay ang ating pananampalataya sa mundong ating ginagalawan. Ano ang hamon sa iyo ng araw na ito, kapanalig?