MARCOS 6:1-6
Pumunta si Jesus sa kanyang bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: ''Ano't nangyayari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanya mga kamay? Hindi ba't siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba't narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?'' At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: ''Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.'' At wala siyang ginawang himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.
PAGNINILAY:
Sinasabi ni San Marcos na hindi matanggap ng mga kababayan ni Jesus ang tunay niyang pagkatao sapagkat bulag sila tungkol sa kanya. "Di ba siya ang karpintero?" Ang salitang Griyego na ginamit ay tekton. Hindi lang karpintero kundi 'master builder' ang ibig sabihin nito. Hindi lang gumagawa ng gamit yari sa kahoy ang hanapbuhay ni Jose at Jesus. Maalam din silang gumamit ng iba't ibang materyal sa pagtayo ng bahay o gusali, at nagkukumpuni at nag-aayos rin sila kung may nasira sa bahay o kailangan ito ng extension. Hindi makapaniwala ang kanyang mga kababayan na makikita nila ang kapangyarihan ng Diyos na gumagalaw sa mga kamay ng isang karpintero. Ano kaya ang pinagmumulan ng hindi nila pagtanggap kay Jesus? Pagkamangha? Katigasan ng ulo at puso? Inggit? Nakakabulag ang lahat ng ito. Pero kapag walang tiwala kaninuman ang isang tao, lagi na lang niyang pinupuna ang iba at hinuhusgahan. Para bagang sinasabi niya na siya lang ang batayan ng lahat. At kapag hindi ayon sa kanyang standard ang ibang tao at mga gawa nila, hindi ito katanggap-tanggap. Kapatid, naaaninag mo ba ang iyong sarili sa mga kababayan ni Jesus? May mga tao bang hindi mo matanggap at lagi ka na lang naiinis sa kanila? May mga pangyayari bang pilit mong dinededma, dahil hindi mo matanggap kung ano ang epekto sa buhay mo? Buksan natin ang ating diwa at puso sa mga hindi inaasahang pagpapakilala ng Panginoon sa ating kapwa. Naghihintay ang mga milagro at himala. Subalit nakikita lang ito ng mga taong handang manalig at sumampalataya!