MATEO 9:18-26
Habang nagsasalita si Jesus sa mga tao, lumapit sa kanya ang isang pangulo ng sinagoga at paluhod na sinabi: “Kamamatay nga lamang ng aking anak na babae, pero halika’t ipatong ang iyong mga kamay at siya’y mabubuhay.” Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na ang kanyang mga alagad. Nilapitan naman siya mula sa likuran ng isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo, at hinipo nito ang laylayan ng damit ni Jesus. Sapagkat naisip niyang “Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako.” Lumingon naman si Jesus, nakita niya siya at sinabi: “Lakasan mo ang iyong loob, anak ko, pinagaling ka ng iyong pananalig.” At gumaling ang babae sa sandaling iyon. Pagdating ni Jesus sa bahay ng pangulo, nakita niya ang mga tumutugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. At sinabi niya: “Umalis kayo! Hindi patay ang dalagita kundi tulog.” Pinagtawanan nila siya. Ngunit pagkaalis ng mga tao, pumasok siya, hinawakan ang bata sa kamay at bumangon ito. Lumaganap ang balitang ito sa buong lupaing iyon.
PAGNINILAY:
Mahigit isang bilyon ang mga kapatid natin sa China pero mga labindalawang milyon lang ang Katoliko. Mas malaki pa ang populasyon ng kalakhang Maynila na mahigit 13 milyon! Hindi ito dahil ayaw nilang tanggapin ang Mabuting Balita ng Panginoon kundi dahil sa alitan ng mga Intsik mula pa noong unang panahon laban sa mga banyaga. Kinilala nilang kaaway ang anumang banyaga. Nabibi-lang sa mga martir ng China si San Agustin Zhao Rong, isang pari at ang isandaan at labingsiyam na kasama niyang pinatay mula 1648 hanggang 1930. Ipinagdiriwang natin ang kapistahan nila ngayon. Lahat silang 120 ang iniakyat sa mga altar bilang mga Santo noong Oktubre 1, 2000. Walumput pito sa kanila ang Intsik at tatlumput tatlo ang mga pari at madre misyonerong galing sa Kanluran. Pinatay sila dahil hindi sila pumayag na itatwa ang pananampalataya kay Kristo. Alam nyo ba na dating sundalo si San Agustin Zhao Rong, at sinamahan niya si Obispo John Gabriel Taurin Dufresse nang ito'y maging martir sa Beijing. Nang masaksihan niya ang katapangan at kapayapaan ng obispo sa harap ng kamatayan, nagsimula siyang sumampalataya sa Panginoon. Nagpabinyag siya at hindi kalaunan, inordenahan siyang pari. Ipinala-ganap niya ang mga aral ni Kristo kahit mapanganib ito at siya ang unang paring Intsik na martir. Nahihirapan ka bang magpatotoo sa iyong pananampalataya, kapanalig? Alalahanin mo si San Agustin at ang sinabi ng Panginoon sa ebanghelyo ngayon: "Lakasan mo ang iyong loob, anak ko."