Daughters of Saint Paul

HULYO 11, 2018 MIYERKULES SA IKA-14 NA LINGGO NG TAON San Benedicto, Abad (Paggunita)

MATEO 10:1-7

Tinawag ni Jesus ang Labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya. Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin n’yo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit.’”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay ngayon.  Patuloy pong tumatawag ang Panginoong Jesus sa ating panahon, pero tila hindi na siya naririnig ng marami. O minsan naman, nagbibingi-bingihan yung mga tinatawag dahil abala sa maraming bagay. Pero sa karanasan ko, marami sa mga kabataan na gustong magmadre o magpari ang hindi pinapayagan ng mga magulang o mga kamag-anak. Hindi ba dapat matuwa pa tayo kapag may tinawag sa ating pamilya para maglingkod sa Diyos? Napakalaking biyaya na mapili ang isa sa kapamilya natin na maging alagad niya. Sino ang magpapatuloy sa gawaing iniatas ng Panginoon sa kanyang mga alagad kung hahadlangan natin ang mga kabataan na sundin ang kanilang bokasyon? Siyempre maraming sakripisyo ang gagawin hindi lang ng tinatawag kundi pati na rin ang kanyang pamilya. Pero masusukat ba ang Kaharian ng Langit?  Alam nyo ba na sa isang maliit na nayon ng Lu sa Italya, tatlundaan at dalawampu't tatlo ang tinawag ng Panginoon? 152 ang naging pari at 171 naman ang nagmadre. Paano nangyari ito? Nangarap ang maraming mga nanay doon na magkaroon ng anak na pari o madre. Pero hindi sila huminto sa pangarap. May ginawa sila. Sa gabay ng kanilang kura paroko, sama-sama silang nag-adoration o Banal na Oras sa Banal na Sakramento tuwing Martes para sa bokasyon. At tuwing unang Linggo ng buwan, nagsisimba at nagko-komunyon sila na ganoon din ang intensiyon. Pagkatapos ng Misa, sama-samang nagdarasal ang lahat ng mga nanay para magpadala ang Panginoon ng mga manggagawa sa kanyang ani.  Maikli, simple, pero malalim ang panalangin ng mga nanay ng Lu. Sabayan natin sila:  O Diyos, itulot nyo po na maging pari ang isa sa mga anak ko! Gusto kong mamuhay bilang isang mabuting Kristiyano at gusto kong gabayan ang mga anak ko na laging gawin ang tama, upang makamtan ko, Panginoon, ang grasyang maipagkaloob sa iyo ang isang banal na pari. Amen.