MATEO 10:7-15
Sinabi ni Jesus sa Labindalawa: “Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit. Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod sapagkat nararapat ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. Pagdating n’yo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at sa kanya makituloy hanggang sa inyong pag-alis. Pagpasok n’yo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal n’yo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal. At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon.”
PAGNINILAY:
Napapanahon ang hamon sa atin ng Ebanghelyong ating narinig. Sa hirap ng panahon ngayon, kung saan halos lahat ng bagay binibili, parang hindi na praktikal ang magbigay o maglingkod ng libre. Kaya nga kahanga-hanga ang mga taong nagbibigay ng kanilang panahon, nagsasakripisyo, nagvo-volunteer sa iba’t ibang gawaing paglilingkod para makatulong sa iba, kahit walang bayad. Katulad ng mga volunteer teachers sa mga malalayo at liblib na lugar, ang mga volunteer catechists ng maraming parokya at pampublikong paaralan, ang mga misyonero na nagtalaga ng kanilang buong buhay para sa Diyos at sa kapwa nang walang bayad. Ano ang nag-udyok sa kanila para gawin ito? Malamang ang kanilang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa ang pinakaunang dahilan. Ramdam nila kung gaano sila minamahal at patuloy na pinagpapala ng Diyos sa maraming bagay, kaya gusto rin nilang maging daluyan ng pagpapala para sa kanilang kapwa. Mga kapanalig, ito rin ang panawagan sa atin. Hindi mabilang ang mga biyaya at pagpapalang tinanggap at patuloy na tinatanggap natin sa Diyos araw-araw ng libre. Kaya tinatawagan rin tayong maging daluyan ng biyaya at pagpapala ng Diyos para sa ating kapwa. Mahal ng Diyos ang taong mapagbigay! Higit pang biyaya at pagpapala ang Kanyang ipinagkakaloob sa mga taong may ginintuang puso – laging bukas palad na ibahagi kung anuman ang meron siya, lalo na sa mga nangangailangan.