MATEO 10:24-33
Sinabi ni Jesus sa Labindalawa: “Hindi hihigit sa kanyang guro ang alagad, o higit sa kanyang amo ang utusan. Hangad lamang ng alagad na tularan ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang tinatakpan na hindi nabubunyag at walang natatago na hindi nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ihayag n’yo sa liwanag. Ang narinig n’yo nang pabulong, ihayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang dalawang maya kahit na sa ilang sentimo, wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.”
PAGNINILAY:
Para sa ibang tao, isang personal na bagay ang pananampalataya sa Diyos. Isang bahagi ng ating buhay na maari lamang ibahagi sa mga taong ating kakilala o pinagkakatiwalaan. Nangangamba tayo na kung ibabahagi natin ito sa iba, baka kutyain nila tayo’t pagtawanan lamang. Pero, hinahamon ng Ebanghelyo ngayon ang paniniwalang ito. Pinapaalalahanan tayo ni Jesus na ang sinumang kumilala sa Kanya sa harap ng sinuman, Kanya rin siyang kikilalanin sa harap ng kanyang Ama. At pagkatapos, tinawag niya tayo bilang “liwanag ng daigdig” na kinakailangang magningning, upang sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa, makita ng ibang tao ang kadakilaan ng Diyos. Tunay ngang umaasa si Jesus na ang sinumang nais sumunod sa kanya, dapat manatiling matatag sa paghahatid ng kaliwanagan at pagbibigay ng patotoo sa pamamagitan ng mabubuting halimbawa. Maaaring maraming balakid ang ating haharapin sa pagtupad sa mga utos ng Diyos. Pero Siya na rin ang nagsabi na hindi tayo dapat mangamba sapagkat hindi niya tayo pababayaan. Manalangin tayo. Panginoon, pangunahan mo po ako’t akayin, nang huwag akong maligaw ng landas. Gamitin mo po ako, na maging liwanag para sa iba, at maging daluyan ng Iyong pagpapala at pagmamahal para sa aking kapwa. Amen.