MARCOS 6:7-13
Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at isang damit lang. At sinabi niya sa kanila: ”Pagtuloy n'yo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis n'yo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.” At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring may-sakit ang pinagaling nila sa pagpapahid ng langis.
PAGNINILAY:
Tinagurian ang Pilipinas bilang “The only Chistian nation in Asia.” Halos siyamnapung porsyento sa ating populasyon, mga Kristiyano – kung di lahat Katoliko, napapabilang sa iba’t ibang sekta ng Kristiyanismo. Pero, isang nakababahalang katotohanan na sa kabila ng ating pagiging Kristiyano, talamak pa rin ang korupsyon sa ating bansa. Talamak ang dayaan sa tuwing may eleksiyon na humahantong pa sa pagpaslang sa kalaban sa pulitika. Talamak ang karahasan, ang imoralidad, ang abortion at pagsira sa kalikasan. Nakababahala din na marami ang tila nawawalan na ng kamalayan sa kasalanan o sense of sin – Na pati ang death penalty at diborsiyo, gusto nang isabatas Patotoo ito na marami sa ating mga Kristiyano, mga nominal Christians o Kristiyano lang sa pangalan. Hiwalay ang pananampalataya sa pang-araw-araw na kaganapan sa buhay. Marahil itatanong natin, bakit tayo nagkaganito, nasaan na ang mga turo ng Panginoong Jesu-kristo? Mga kapanalig, tunay na nakapagtataka na ang isang bansang mulat sa mga turo ng Panginoong Jesu-kristo, tila bansang walang alam sa Ebanghelyo; tila bansang manhid sa pangangailangan ng iba; tila isang bansang pagano. Ang pagiging Kristiyano hindi lang ang pagsisimba tuwing linggo o kung kelan natin gusto at pag-abuloy sa simbahan. Hindi rin ito para sa mga pari, madre at laykong misyonero lang. Ito’y panawagan para sa ating lahat na nabinyagan sa Ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo. Bilang mga Kristiyano isinusugo tayo ng Panginoon na ipangaral ang pagbabalik-loob, itakwil ang mga gawain ni satanas, at sikaping iayon ang buhay sa kalooban ng Diyos. Isinusugo Niya tayo na ipangaral ang Mabuting Balita sa paraan ng ating pamumuhay. Magagawa natin ito kung pahihintulutan natin ang Banal na Espiritu na kumilos sa buhay natin. Naglalaan tayo ng panahon sa pagdarasal at pagbabasa ng Biblia at nagsusumikap isabuhay araw-araw ang panawagan ng Diyos na magmahal at magpakabanal.