Daughters of Saint Paul

HULYO 19, 2018 HUWEBES SA IKA-15 NA LINGGO NG TAON Santa Justa

MATEO 11:28-30

Sinabi ni Jesus: “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin n’yo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, kung hindi malinaw ang kahulugan ng ating buhay, maaari nating sabihing: “Nakakapagod ang buhay.”  Gigising tayo sa umaga, para lamang pumasok sa trabaho.  Nagtatrabaho tayo, para lamang kumain.  Kumakain tayo, para lamang mabuhay.  Nabubuhay tayo para lamang muling magtrabaho.  Ganito ang routine natin araw-araw. Paikut-ikot!  Nakakapagod!  Totoong nakakapagod ang buhay kung wala itong kahulugan, lalo na kung wala itong direksiyon.  Nakakapagod ang buhay kung ang mabuhay, para lamang mabuhay.  Hindi na tayo nangangarap.  Wala na tayong nais maabot!  Kuntento na tayo sa nangyayari sa buhay natin araw-araw.   Nakakulong tayo sa sarili nating mundo.  Wala tayong pakialam sa mga nangyayari sa paligid natin.  Kuntento na tayo, basta’t nasusunod natin ang gusto at nabibibili ang luho natin.  Kapag ganito nang ganito ang nangyayari sa ating buhay araw-araw, sa katagalan magsasawa din tayo.  At ramdam na naman natin ang kawalan ng saysay ng ating buhay.  Mga kapanalig, napakasarap mabuhay kung nakaugnay tayo sa Diyos at sa ating kapwa.  Siya ang nagbibigay kahulugan sa ating buhay.  Sa Kanya, gumagaan ang ating mga pasanin at paghihirap sa buhay.  Hindi dahil sa magaan ang ating pasanin, kundi dahil natutunan nating yakapin ang mga paghihirap sa buhay nang may pagmamahal.  Ang Panginoong Jesus ang huwaran natin sa pagpasan ng Krus nang may pagmamahal.  Kaya naging makahulugan ang Kanyang paghihirap dahil niyakap Niya ito nang may pagmamahal.  Kung ang mga paghihirap natin sa kasalukuyan, binabata natin nang may pagmamahal, magiging makabuluhan ang ating mga paghihirap.  Kung ang lahat ng paghihirap natin sa buhay papasanin nating kasama ang Diyos, magiging magaan ito.  Kaya nga sa mga kapatid nating nawawalan na ng pag-asa, at pagpapatiwakal na ang naiisip na solusyon, lumapit tayo sa Panginoong Jesus.  Nalalaman Niya ang mga hirap ng pinagdadaanan natin!  Isuko natin sa Kanya ang ating sarili at lahat ng mga alalahanin natin sa buhay na di na natin kayang pasanin.