MATEO 12:1-8
Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kainin ‘yon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus: “Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi n’yo ba nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi n’yo ba nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito? Sinasabi ko naman sa inyo: Dito’y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan n’yong talaga ang salitang ito, ‘Awa ang gusto ko, hindi handog,’ hindi n’yo sana hinatulan ang walang-sala. At isa pa’y ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga.”
PAGNINILAY:
Mahalaga ang batas para maging payapa, matiwasay at maunlad ang isang lipunan. Sa panahon ni Jesus, mahigpit na ipinagbawal ng batas-Judio ang lahat ng paggawa sa Sabbat o Araw ng Pahinga. Ayon sa paliwanag sa Biblia ng Sambayanang Pilipino, naging daan ito sa paglikha ng napakaraming mga utos hanggang sa pagbabawal sa pagsisindi ng apoy, paglakad ng mahigit sa isang libong hakbang o pamimitas ng trigo o paghanap ng lunas sa maysakit. Kaya nga, pinintasan nila ang mga alagad ni Jesus nang magutom at mamitas ng uhay ng trigo at kainin iyon. Pero, winika ni Jesus, “Awa ang gusto ko, hindi handog, hindi ‘nyo sana hinatulan ang walang sala.” Sa ating lipunan sa ngayon, mahalagang matutong sumunod sa batas ang mga mamamayan para mapanatili ang kalinisan at kaayusan kahit man lang sa tamang pagtatapon ng basura, pagsunod sa batas-trapiko, pagpila sa sakayan, o kahit sa huwag pag-ihi sa pader o paglura sa kalye. Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan. Binigyang-diin ni Jesus, makabuluhan lamang ang batas kung ito ay ipinatutupad ng may habag at pagmamahal. Sa gayon, ito ang magiging gabay sa pagtukoy sa tama at mali at pansariling pag-unlad. At ang pagbabagong-buhay na ito ang maglalapit sa tao sa Diyos.