MATEO 12:38-42
Sinabi ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, maliban sa palatandaan ni Propeta Jonas. Kung paanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao. Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagong-buhay sila sa pangangaral ni Jonas, at dito’y may mas dakila pa kay Jonas. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog, kasama ang mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.”
PAGNINILAY:
Likas na sa tao ang humanap ng mga tanda para patibayan ang kanyang mga naiisip at nadarama. Halimbawa, karaniwang simbolo ng pag-ibig ang singsing at halik; kulay itim sa pagluluksa; pagmamano bilang paggalang, kulay pula para sa “Tigil ” sa ilaw-trapiko at marami pang mga sagisag para maging ligtas, tiyak at wasto ang ating mga pagkilos sa paligid. Sa pagbasa ngayong umaga, nagalit si Jesus sa mga Pariseong humihingi ng tanda sa kanya dahil alam niyang barado ang utak ng mga ito at anuman ang sabihin niyaý hindi paniniwalaan. Kaya, winika niya, “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito…” Tayo man ay nagsisikap ding makahanap ng anumang tanda para mapatibayan ang pag-iral at pagmamahal ng Diyos sa atin. Ito ang dahilan kung bakit matiyaga tayong nagbabasa ng Bibliya, nakikiisa sa Banal na Eukaristiya, dumadalo sa mga Bible Study, at aktibong nakikibahagi sa mga gawaing-pamparokya. Sa madaling salita, kaiba sa mga Pariseo, napapalalim natin ang pananampalataya sa Diyos sa mga karaniwang bagay na ginagawa natin kasama siya. O, Mahal na Espiritu Santo, samahan Mo ako para mula sa paggising sa umaga hanggang sa pagtulog sa gabi ay madama ko ang mapagkalingang pagmamahal Mo para sa akin. Amen.