Daughters of Saint Paul

HULYO 24, 2018 MARTES SA IKA-16 NA LINGGO NG TAON San Sharbel Makhluf, pari

MATEO 12:46-50

Nagsasalita pa si Jesus sa mga tao nang dumating ang kanyang ina at mga kapatid para makipag-usap sa kanya, at naghihintay sila sa labas. Kaya may nagsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; gusto ka nilang makusap.” Sumagot si Jesus nagsabi sa kanya: “Sino ang aking ina? Sino ang aking mga kapatid?” At itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Ama sa Langit ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”

PAGNINILAY:

Nilinaw ng mga dalubhasa sa Bibliya na ang salitang “kapatid” na ginamit ni Jesus ayon sa kultura ng mga Judio ay tumutukoy sa kanyang mga kamag-anak na lalaki at babae at hindi sa  kapatid sa dugo kay Maria. Siya lang ang kaisa-isang isinilang ni Maria. Pero, para kay Jesus, hindi lang ang magkakadugo ang magkakamag-anak kundi  “Ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Ama sa langit ang aking kapatid na babae at lalaki.”  Sa lipunang Pilipino, ang lahat halos ay magkakapatid at magkakamag-anak  kung pakikinggan ang ating pagtawag sa kahit hindi natin kakilala at sa unang beses pa lang nakita. Hindi mabilang ang tinatawag nating “Ate/Kuya,” “Lolo/Lola,” ”Inang/Tatang” “Mommy/Daddy”, “Tita/Tito” bilang tanda ng paggalang, o sa hangad na huwag makasama ng loob, o bilang tanda  ng pakikiisa at malalim na pakikiugnay.  Karaniwan ding nasasabi sa isang magandang samahan na “Kahit hindi magkadugo, higit pa sa magkapatid ang turingan ng mga iyan.” Kaya nga, hindi mahirap para sa atin na unawain ang aral na itinuturo ni Jesus sa pagbasang ito.  Mga anak ng iisang Diyos. Mga magkakapatid kay Kristo. Ito ang mga matamis na taguring nagbubuklod sa sambahayang Kristiyano sa isang komunyon na binubuo ng mga sumusunod na elemento: Una, Espiritu Santo; Ikalawa, Salita ng Diyos; Ikatlo, Eukaristiya at mga Sakramento; at ang inordenahang pari.  Lubos na pakikiiisa. Ganap na pagbabagong-loob. Ito ang tunay na maglalapit sa atin kay Kristo.O, mahal na Birheng Maria, aking Ina, samahan mo ako, para maging karapatdapat sa taguring kapatid ni Jesus, Amen.