Daughters of Saint Paul

HULYO 25, 2018 MIYERKULES SA IKA-16 NA LINGGO NG TAON Kapistahan ni San Santiago, Apostol

MATEO 20:20-28

Lumapit kay Jesus ang ina ni Jaime at Juan kasama ang dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian.” Sinabi ni Jesus sa magkapatid: “Hindi n’yo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom n’yo ba ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya namin.” Sumagot si Jesus: “Totoong iinom din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para iyon sa mga hinirang ng Ama.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: “Alam n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pagtubos sa marami.”

PAGNINILAY:

Ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ni San Tiago na isa sa tatlong nakasaksi sa transpigurasyon ni Jesus. Nangaral siya sa Iberia at sa Banal na Lupain. Sinasabing siya ang una at tanging apostol na itinala ang kamatayan sa Bibliya gaya ng sumusunod: “Nang panahong iyon, ipinadakip ni Haring Herodes ang ilang kabilang sa Iglesya upang usigin sila. Ipinapatay niya sa tabak si Jaime na kapatid ni Juan. At nang makita niyang ikinatuwa iyon ng mga Hudyo, ipinadakip naman niya si Pedro.” Sa pagbasa ngayon, tiniyak ni Jesus na “Totoong iinom din kayo sa aking kalis…at ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo….” at ito nga ay naganap kay San Tiago sa kanyang pagtupad sa kalooban ng Diyos sa kanyang buhay.  Mahal na Poong Jesukristo, samahan mo ako para matupad ko rin ang misyong iniatang sa akin ng Diyos sa buhay na ito, Amen.