Daughters of Saint Paul

HULYO 26, 2018 HUWEBES SA IKA-16 NA LINGGO NG TAON Paggunita kina San Joaquin at Santa Ana, mga magulang ni Maria

MATEO 13:16-17

Mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tenga na nakakarinig. Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita n’yo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”

PAGNINILAY:

Ipinapayo sa aklat ng Kasabihan na, “Buksan ang iyong mga tenga at dinggin ang aking mga salita, at isapuso ang aking kaalaman pagka’t kalugud-lugod na ingatan ang mga ito sa iyong kalooban at mamalaging lahat sa iyong mga labi.” Sinasabi rin na, “Pagpapalain ang mga may mata ng kabutihan pagkat hinahatian niya ng pagkain ang dukha.”  Ngayong araw, ginugunita natin ang dalawang mabubuting tao na sagisag ng paghihintay sa Mesiyas sa Lumang Tipan. Si San Joaquin ay mula sa tribo ng Juda sa lahi ni Haring David. Bilang tagapaglingkod ng Diyos, hinahati niya kanyang kabuhayan taun-taon para sa templo, para sa mga mahihirap, at ang matitira ay para sa kanyang pamilya. Sinasabing apatnapung araw na nagdasal sa ilang si San Joaquin para magkaroon sila ng anak ng baog na asawang si Santa Ana. Pinakinggan sila ng Diyos kaya’t sa kanilang katandaan ay isinilang ang Birheng Maria. Sa lahat ng nilikha ng Diyos, si  Maria lamang ang nabigyan ng pribilehiyo na maging ganap na malaya at malinis sa anumang kasalanan sa kanyang buong buhay bilang ina ni Jesus. Huwaran sina San Joaquin at Santa Ana ng mga lolo at lola dahil sa kanilang kabanalan at mabuting pagpapalaki sa anak.  Malaki ang papel na ginagampanan ng mga lolo at lola para mapanatiling maayos, maligaya, mapayapa at may pagmamahalan sa loob ng isang tahanan.  Sa kanila nagmumula ang mga payo, gabay, lakas at inspirasyon na kailangan ng mga miyembro ng pamilya, lalo na ng mga kabataan, para sila lumaking marangal at may malalim na pagtitiwala at pagmamahal sa Diyos.  O, mahal na Espiritu Santo, gabayan mo po ang mga kabataan sa ngayon para manatiling bukas ang kanilang mga puso at isip sa mga bagay na tunay na maganda  at mabuti sa kanilang paligid, Amen.