Daughters of Saint Paul

HULYO 27, 2018 BIYERNES SA IKA-16 NA LINGGO NG TAON San Pantaleon

MATEO 13:18-23

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Makinig kayo ngayon sa talinghaga ng maghahasik. Pag may nakakarinig sa salita ng Kaharian ngunit hindi naman niya inuunawa, dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito ang butong nahulog sa tabi ng daan. Ang buto namang nahulog sa batuhan ay para sa taong nakarinig sa salita at kaagad itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanyang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa salita, agad-agad siyang natitisod. Ang butong nahulog sa mga tinikan ang nakarinig sa salita ngunit sinikil ito ng mga makamundong kabalisahan at ng pandaraya ng kayamanan, at hindi nakapagbunga ng salita. Ang buto namang nahasik sa matabang lupa ang nakakarinig sa salita at umuunawa rito; nagbubunga siya at nagbibigay ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”

PAGNINILAY:

Napakahusay na guro ni Jesus. Gusto niya talagang maintindihan ng mga karaniwang taong nakikinig sa kanya ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at ang dapat gawin ng bawat isa para makarating doon. Kaya nga, lagi niyang ginagamit na halimbawa ang mga bagay na nakikita sa kanilang paligid. Alam din kasi niya na may pansariling interes ang marami sa mga taong nagkakagulo sa pagsunod sa kanya – gustong gumaling sa sakit, makahingi ng pagkain, malutas ang mga dinadalang problema, at iba pa. Tiyak, kung pakikinggan natin siya ngayon, gagamitin niyang halimbawa ang telepono, cellphone, telebisyon, radyo at iba pa para maipaabot ang mensahe ng Diyos. At nasa atin ang pagbubukas ng puso at isip para lubos siyang matanggap sa mga taong nakapaligid sa atin.  Ano ang ipinahihiwatig ng talinhaga tungkol sa mga butong nahulog sa iba’t ibang lugar?   Na hindi namimili ang Diyos sa pagkakalooban ng kanyang mga biyaya. LAHAT ay mahal niya, binibigyan ng mga tanging handog at tinatanggap anuman ang mga  pagkukulang, kahinaan at mga kasalanan. At matiyaga siyang naghihintay sa tamang panahon para ang mga punlang inihasik sa ating mga puso ay lubos na mamunga at mapakinabangan ng iba.