MATEO 13:31-35
Binigyan ni Jesus ang mga tao ng isa pang talinghaga: “Naikukumpara ang Kaharian ng Langit sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang lalaki at inihasik sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa mga buto ngunit paglaki’y mas malaki ito sa mga gulay at parang isang puno—dumarating ang mga ibon ng Langit at dumadapo sa mga sanga nito.” At sinabi ni Jesus ang iba pang talinghaga: “Naikukumpara ang Kaharian ng Langit sa lebadurang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.” Itinuro ni Jesus ang lahat ng ito sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga; hindi siya nagturo sa kanila na hindi gumagamit ng talinghaga. Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: “Magsasalita ako sa talinghaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig.”
PAGNINILAY:
Kung iisipin, sa maliit nagsisimula ang lahat ng mabuti at dakilang bagay: sa isang sulyap, pag-ibig. Sa isang bato, gusali. Sa isang salita, nalikha ang buong daigdig. Sa isang sabsaban, isinilang ang Tagapagligtas ng daigdig. Di nga ba’t ang maliit na si David ang tumalo sa higanteng si Goliath? Napakasimpleng tao ni Jesus. Kung narito siya ngayon, tiyak, mamamasyal din siya sa Luneta. Baka kumanta pa kasama si Rico Puno. Kakain sa Jollibee o sa KFC. Pupunta siya kung saan masayang nagkakatipon ang mga pamilya at magkakaibigan. May halakhakan, pagbibigayan, pagmamahalan. Ito ang langit sa lupa na hinahangad niya para sa bawat isa sa atin, mahirap man o mayaman. Pero, tandaan din na kung ano ang simple, iyon ang mas mahirap kamtin. Kailangan ng Diyos ng mga ordinaryong taong handang maglaan ng oras, talino, lakas at tiyaga para sa kapakinabangan, kaligayahan at kabutihan ng iba. O, mahal kong kapatid at Tagapagligtas, loobin Mong lagi kitang makita sa mga karaniwang bagay sa aking paligid upang laging madama na Ikaý aking kasama sa hirap man o sa ginhawa, Amen.