Daughters of Saint Paul

Hulyo 31, 2018 Martes sa Ika-17 na Linggo ng Taon Paggunita kay San Ignacio de Loyola, pari

MATEO 13:36-43

Pinaalis ni Jesus ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga trigo sa bukid.” Sumagot si Jesus: “Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ang mga anghel. Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang Kaharian ang mga iskandalo at ang mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga!”

PAGNINILAY:

Nilinaw ni Jesus sa mga alagad ang patuloy na paglalaban ng mga mabuti at masama sa daigdig. Hindi kailanman tumitigil ang demonyo para malulong sa masama ang tao at mawasak ang plano ng Diyos para sa kapayapaan at kabutihan ng sanlibutan. Kaya nga, binalaan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maging maingat at mapagmatyag dahil maaaring mag-anyong mabuti ang demonyo (kagaya ng trigo) at kumilos habang payapang “natutulog sa gabi ang mga tauhan.”  Sa lahat ng oras, sa lahat ng lugar, sa lahat ng okasyon ang masamaý patuloy sa kanyang masamang pambibitag. May kasabihan, “Nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa.” Kailangang lagi tayong humingi ng patnubay at gabay sa Espiritu Santo para magawa ang wasto at tama. Alalahanin din ang mga anghel na walang humpay sa kanilang paglilingkod sa mga nilikha ng Diyos. Dasalin natin ang isang panalangin para sa pagtataboy sa mga masamang Espiritu: San Miguel Arkanghel, ipagsanggalang kami sa araw ng labanan, sa harap ng kasamaan at pakana ng diablo. Isinasamo namin na ipagtabuyan siya ng Diyos, O prinsipe ng mga hukbo ng kalangitan, sa kapangyarihan ng Diyos, itapon sa impiyerno si Satanas at ang lahat ng mga masasamang espiritu na nananalakay sa mundo at nagpapahamak ng kaluluwa, Amen.