Daughters of Saint Paul

AGOSTO 5, 2018 LINGGO SA IKA 18 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

JUAN 6: 24 – 35

Nang mapuna ng mga tao na wala na si Jesus, ni ang mga alagad niya sa lugar na kinainan ng tinapay, sumakay sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus. Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng dagat, sinabi nila sa kanya, “Rabbi, kailan ka dumating?” Sumagot sa kanila si Jesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap n’yo ako hindi dahil sa nakita n’yo sa pamamagitan ng mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain n’yo at nabusog kayo. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing namamalagi hanggang buhay na magpakailanman. Ito ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga gawa ng Diyos?” Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Ito ang gawa ng Diyos: “patuloy kayong manalig sa sinugo niya.” Kaya sinabi nila sa kanya: “At anong tanda ang matatrabaho mo para makita nami’t maniwala kami sa iyo? Ano ba’ng gawa mo? Kumain ng manna sa disyerto ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: Binigyan sila ng tinapay mula sa Langit at kumain sila. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang Ama ko ang nagbibigay sa inyo ng totoong tinapay mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Lagi n’yo pong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin.”

PAGNINILAY:

Gumawa kayo ng mga bagay na makalangit.’  Sa panahon ngayon na tila nagiging karaniwan na ang makarinig ng mga ulat tungkol sa patayan, dayaan, paglabag sa batas, kawalan ng respeto at higit sa lahat ang kawalan ng pag-asa, marami ng mga kababayan natin ang pinanghinaan ng loob at tila sinukuan na ang ating laban para sa mabuti. Pero sa gitna ng kadilimang nararanasan natin sa ngayon, sana’y humugot tayo ng lakas sa Panginoong Jesus na nagsasabing, “Ako ang tinapay ng buhay.  “Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin.”  Panghawakan natin ang mga salitang ito ng Panginoon kapanalig, at natitiyak kong mananatiling matatag ang ating pananalig sa Kanya sa kabila ng mga pagsubok; mananatiling payapa ang ating puso’t isip sa kabila ng mga kaguluhang ating nararanasan. Dahil pinalalakas tayo ng Panginoong Jesus, ang totoong tinapay ng Diyos na pumanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.  Panginoong Jesus, salamat sa iyong pagkalinga sa amin at sa pagbibigay mo ng iyong sarili. Maging lakas ka nawa namin upang matupad namin ang kalooban ng Ama sa pang-araw-araw naming buhay. Amen.