MATEO 19: 13-15
May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng Langit.” At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na siya.
PAGNINILAY:
Sa panahon natin ngayon, matindi ang pangangailangan ng mga bata sa paggabay ng Panginoon. Kaya malaking hamon ito sa mga magulang na ipakilala ang Panginoong Jesus sa mga bata sa pamamagitan ng pagtuturo nila sa kanila tungkol sa Diyos at pagdadala sa kanila sa Simbahan. Ang mismong pagsabuhay ng mga magulang ng kanilang pananampalataya sa Diyos, ang tinitingala ng mga batang huwaran sa kanilang paglaki. Pansinin natin ang mga batang lumaki sa tahanang nagdarasal ng sama-sama, nagsisimba, at may paggalang sa magulang at nakatatanda – kinakalakihan nila ito; at saan man sila magpunta dala-dala nila ang mabuting kaugalian. Karaniwan, na sa mga ganitong uri ng tahanan umuusbong ang bokasyon sa pagpapari, pagmamadre at iba pang paglilingkod sa Diyos at sa kapwa. Dahil sa murang edad, nahubog ang mga bata sa buhay espiritwal. Sa kabilang banda, ang mga batang lumaki sa tahanang palaging nag-aaway ang mga magulang, nagmumura, walang paggalang sa kapwa; ang mga batang pinabayaan ng mga magulang sa pangangalaga ng iba; ang mga batang pinalaki sa galit at inggit – ganito rin ang pag-uugaling nakasanayan ng mga bata sa kanilang paglaki. Kaya malimit, sila ang mga taong may malaking problema sa pag-uugali dahil hindi sila nahubog sa paggawa ng tama at mabuti. Mga kapanalig, ang tahanan ang unang paaralan ng mga bata at ang magulang ang kanilang unang guro. Samantalahin sana ng bawat magulang ang pagkakataon na maturuan ang mga bata tungkol sa Diyos at pagpapakabuti. Dahil sa kanilang murang edad, napakatalas ng pag-iisip ng mga bata. Madali silang turuan at matuto at naghahanap sila ng modelong titingalain sa kanilang paglaki. Kaya ang tahanan, bilang unang paaralan ng mga lumalaking bata, dapat puno ng magagandang halimbawa, pagmamahalan, paggalang sa kapwa at sa isa’t isa; higit sa lahat may pananampalataya at banal na pagkatakot sa Diyos. Sa ganitong pamamaraan, naihahanda ng magulang ang mga bata sa pagharap sa mas malaki pang hamong naghihintay sa kanila sa hinaharap. Kapag malalim ang pagkakahubog nila sa gawaing pagpapakabuti at takot sa Diyos, hindi sila basta-basta maiimpluwensiyahan ng masamang puwersang nakapaligid sa kanila. Panginoon, matanto nawa ng bawat magulang ang malaking responsibilidad na hubugin ng maayos ang kanilang anak. Pagkalooban Mo po sila ng biyayang magampanan nila ito. Amen.