JUAN 6: 51-58
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.” Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw. “Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang ngumunguya sa akin. “Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito.”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong ating narinig, hindi maubos maisip ng mga Judio kung paanong ibibigay ni Jesus ang Kanyang laman para maging pagkain. Para sa kanila, isa itong uri ng Cannibalism! Sa Aklat ng Genesis kabanata siyam talata apat, ipinagbabawal ng Diyos ang pagkain ng karne na meron pang dugo. Dahil dito, ang mga Judio’y may dakilang paggalang sa dugo bilang pinagmulan ng buhay. Kapag ang isang tao’y nakahawak o nadungisan ng dugo, siya’y itinuturing na marumi. Kaya hindi maunawaan na mga Judio ang sinasabi sa kanila ni Jesus. Mga kapanalig, nang sabihin ni Jesus na “Kainin ang laman ng anak ng tao at inumin ang Kanyang dugo, nais Niyang pasimulan ang misteryo ng Eukaristiya. Ang buhay Niya’y isang pag-aalay ng sakripisyo sa altar ng Krus. Sinumang makikibahagi sa Katawan at dugo ni Kristo, mananatili sa Kanya at magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ang pakikinabang natin sa Katawan at Dugo ng Panginoong Jesus, pagpapadaloy sa ating buong pagkatao ng Kanyang banal na presensya. Kaya marapat lamang na mamuhay tayong katulad Niya – sa isip, sa salita at sa gawa. Siya na dapat ang kumilos sa pamamagitan natin at pagmamahal sa Diyos at sa kapwa ang nangingibabaw nating katangian. Sa panahon natin ngayon, na marami na ang health at diet- conscious, malimit nating marinig ang mga katagang “We are what we eat”, sa wikang Ingles. Kaya kung Katawan at Dugo ni Kristo ang ating kinakain at iniinom, Siya na dapat ang naghahari sa ating buhay. Mga kapatid, hangad ng Panginoon na maging bahagi Siya ng ating buhay. Ang pakikipag-bonding natin sa Kanya sa oras ng panalanginat pananahimik, ang pagtanggap natin sa Kanya sa Banal na Eukaristiya, ang pagbabasa natin ng Biblia – ang magbibigay sa atin ng biyaya at kalakasang lumago sa Kanyang kabutihan.