Daughters of Saint Paul

AGOSTO 20, 2018 LUNES SA IKA 20 LINGGO NG TAON San Bernardo Abad at Pantas ng simbahan

MATEO 19: 16-22

Lumapit kay Jesus ang isang binata at nagtanong: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus: “Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” At sinabi naman ng binata: “Anong mga utos” Sumagot si Jesus: “Huwag pumatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’” At sinabi sa kanya ng binata: “Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?” At sinabi ni Jesus: “Kung gusto mo maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pagkarinig ng binata ng pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.

PAGNINILAY:

Kapag nagkakaedad ang isang tao, hindi maiiwasang sumagi sa kanyang isip ang kamatayan. At lagi na, ito ay may kakabit na pagkatakot. Sa pagbasa ngayon, sinagot ni Jesus kung paano makakamit ang buhay na walang hanggan: “Ipagbili mo ang iyong ari-arian at saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Si Jesus at ang kaugnayan sa kanya ang una at tanging pinakamahalaga.  Ang importante ay maging malaya sa lahat ng mga tao, bagay, masamang bisyo at pag-uugali na maglalayo sa atin sa kanya – ito ang mga “ari-ariang” kay-hirap pero dapat nating talikdan.   Sa isang may-edad na gaya ko, mahalaga ang pagmamalay sa katawan bilang katawan ni Kristo. Karanasan ang magtuturo na anumang kainin o gawing labis – maging mabuti man ang mga ito – ay tiyak na magdudulot ng sakit o maagang kamatayan. Higit kailanman,  dapat kilalanin,  igalang at sundin ang makabubuti sa katawan. Disiplina. Dedikasyon. Tiwala at lakas ng loob. Ito ang mga sandata na dapat   lagi nating dala bilang kawal ni Kristo! Tandaan  na hindi siya kailanman mag-uutos sa atin ng isang bagay  na hindi natin makakayang gawin. Kasabay ng kanyang utos ang mga biyayang kakailanganin para ito matupad. Sana, naisip ng binata ang katotohanang ito sa halip na malungkot na umalis.  O, mahal na puso ni Jesus, patnubayan mo kami para walang anumang ari-ariang makahadlang sa paghahari ng Diyos sa aming buhay, Amen.