MATEO 22: 1-14
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga Talinhaga: Tungkol sa nagyayari sa kaharian ng Langit ang kwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya sa mga katulong amg mga imbitado sa kasalan pero ayaw nilang dumalo. “Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong para sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan. Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. Sinunggaban naman ng iba ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay. Lubhang nagalit ang hari kaya’t ipinadala niya ang kanyang hukbo para puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya sa kanyang mga katulong: Handa na ang kasalan pero hindi karapat-dapat ang mga inaanyayahan. Pumunta kayo ngayon at sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita n’yo. Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, ay napuno ang kasalan ng mga nasa hapag. Pagkatapos ay dumating ang hari para tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampeyesta. Kaya sinabi niya rito: Kaibigan, paano ka nakapasok nang walang damit pangkasal? Ngunit hindi umimik ang tao. Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin. Marami ngang talaga ang tinatawag pero kaunti ang pinili.”
PAGNINILAY:
Ginugunita rin natin ngayong araw si Santa Rosa de Lima, ang Pangalawang Patrona ng Pilipinas. Patrona siya ng mga mananahi, hardinero, mga taong kinukutya o di-maunawaan dahil sa kanilang debosyon, at sa pag-aayos ng mga away pampamilya. Hango ang palayaw niyang “Rosa” sa isang insidente noong sanggol pa siya. Nakita ng kanilang katulong na nagbagong-anyo ang kanyang mukha at naging rosas. Sa kabila ng pambihirang kagandahan, nakilala siya sa kanyang asetesismo o pag-aayuno tatlong beses sa isang linggo at pagpepenitensya nang matindi at paglilingkod sa mga mahihirap sa kanilang lunsod. Nawa, gaya ni Santa Rosa de Lima, tayo maý matututong magsakripisyo para sa kapakinabangan ng iba at maging laging handa sa maagap na pagtugon sa anumang iatas ng Panginoon, Amen.