MATEO 23:1 – 12
Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Nginit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ang Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang mga noo, at mahahabang palawait sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. “Huwag kayong patawag na 'guro' sapagkat isa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din n'yong tawaging 'ama' ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na 'gabay' sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin n'yo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang napapakababa.”
PAGNINILAY:
“Walang masamang tinapay” – ang ekspresyong ito na nangangahulugang laging may nakikitang mabuti kaninuman ay angkop na angkop kay Jesus. Pinayuhan niya ang mga alagad, “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises – Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi…” Ibig sabihin, TAMA ang sinasabi ng mga Pariseo na nag-aral ng batas. At sa kanila rin ang karangalang kahalili ni Moises dito sa lupa. Kinikilala ni Jesus ang mabuting bagay na ito. Kaya lang, nagbabala siya, “huwag silang pamarisan… pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa.” Katumbas ito ng fake, plastic, artista, huwad sa ating panahon sa kasalukuyan. Hindi ito ang gusto ni Jesus para sa atin. Bilang ating guro at patnubay, nais niyang “Maging alipin ‘nyo ang pinakadakila sa inyo.” Kababaang-loob. Tahimik at lingid na paggawa ng mabuti para sa iba. Hindi papasa kay Jesus ang mga sponsor sa kalamidad na nakatatak ang mga pangalan sa maliit na supot na ibibigay bukod pa sa mga letratong nakangiti sa mga pahayagan! Simpleng pamumuhay. Patuloy na pagdarasal, pagsasakripisyo at paghingi ng awa para sa kapakinabangan ng sarili at kapwa. Ito ang mga gawaing patuloy na maglalapit at magpapalalim ng ating pakikiugnay sa kanya. O, Jesus, loobin mong tanging ikaw ang maging saksi sa anumang kabutihang gagawin ko para sa iba, Amen.