Daughters of Saint Paul

AGOSTO 28, 2018 MARTES SA IKA 21 INGGO NG TAON San Agustin, Obispo at Pantas ng Simbahan (Paggunita)

MATEO 23:23 – 26

Sinabi ni Jesus: Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hindi n’yo nalilimutan ang mint, anis at kumino sa pagbabayad n’yo ng ikapu ngunit hindi n’yo tinutupad ang pinakamahalaga sa Batas: ang katarungan, awa at pananampalataya. Ito ang nararapat isagawa na hindi kinakaligtaan ang iba. Mga bulag na tagaakay! Sinasala n’yo ang lamok pero nilulunok ang kamelyo. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis n’yo ang labas ng plato at kopa ngunit pinupuno n’yo naman ang loob ng pagnanakaw at karahasan at binabasbasan ang mga ito. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang loob, at lilinis din ang labas.

PAGNINILAY:

Maraming simple’t ordinaryong bagay ang nagbibigay sa atin ng pakiramdam ng ginhawa, kapayapaan at kalinisan. Kasama dito ang paliligo pagkatapos sumabak sa init, usok at alikabok ng daan; paghiga sa mabango’t bagong labang kumot; pag-inom ng mainit na kape habang nagpapasalamat sa Diyos sa isang bagong umaga – at marami pang ibang mumunting ligayang gaya nito bunga ng payapang puso at isip.  Taliwas ito sa masalimuot, maligalig at walang katahimikang buhay ng mga guro ng Batas at Pariseo dahil sa kanilang mga pagkukunwari, pagnanakaw at karahasan. Sinabi ni Jesus, “Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang loob at lilinis din ang labas.” Paano rin natin magagawang malinis ang puso at isip? Ayon sa Kasabihan 4:23, “Bantayan mo ang iyong puso pagkat dito nagmumula ang bukal ng buhay.” Sa Biblia, tinutukoy ng “puso” ang lahat ng nasa kalooban ng tao kasama na ang kanyang konsiyensya, mga adhikain at mga pamantayan. Tandaan, may pagkakaiba ang “pagtukso” – pagpasok ng masamang kaisipan sa ating isip – at “pagkakasala” – pinag-iisipan ang masamang kaisipan, at naglalagi at/o isinasagawa ito. Mas madaling iwaksi ang tukso kung lalabanan ito habang nasa isip pa lamang kaysa bubunutin kapag nag-kaugat na sa puso.  O, Jesus, patuloy mo akong gabayan para sa tuwinaý magawa ang naaayon sa iyong mahal na kalooban, Amen.