Daughters of Saint Paul

AGOSTO 30, 2018 HUWEBES SA IKA 21 LINGGO NG TAON San Pamacio

MATEO 24: 42-51

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Magbantay kayo sapagkat hindi n’yo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin n’yo ito: Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo dahil sa oras na hindi n’yo inaasahan darating ang Anak ng Tao. Isipin n’yo ito: may tapat at matalinong katulong at sa kanya ipinagkatiwala ng kanyang amo ang sambayanan nito para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang amo ay matagpuan siya nitong tumutupad sa kanyang tungkulin, mapalad ang katulong na ito. Talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakatiwala sa kanya ng amo ang lahat nitong pag-aari. Sa halip ay nag-iisip naman ang masamang katulong: ‘Magtatagal ang aking Panginoon.’ Kaya sinimulan niyang pagmalupitan ang mga katulong na kasama niya samantalang nakikipagkainan at nakikipag-inumang kasama ng mga lasing. Ngunit darating ang panginoon ng katulong na iyon sa oras na hindi niya inaasahan at sa panahong hindi niya alam. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga mapagkunwari. Doon nga may iyakan at pagngangalit ng ngipin.”

PAGNINILAY:

Alam nating lahat ang kahalagahan ng mga mahusay na katulong para maging maayos, malinis at organisado ang mga bagay-bagay sa loob ng isang sambahayan.  Sa Ebanghelyo ngayon, inihambing ni Jesus ang magkaibang asal ng dalawang katulong sa pag-uugali ng mga tao habang naghihintay sa araw ng pagdating ng Panginoon.  Posibleng tinutukoy nito ang kamatayang walang nakaaalam kung kailan magaganap sa bawat tao o sa muling pagbabalik ng Panginoon sa wakas ng panahon.  Isinabuhay ng matapat at matalinong katulong ang kasabihang “Hindi mo hawak ang nakalipas. Hindi mo pa batid ang hinaharap. Ang nasasaiyo ay ang ngayon. Pagbutihin mo ito.”  Nasa malayo man ang kanyang amo, masigasig pa rin niyang tinutupad ang mga utos nito.  Kaya nga, abot-kamay niya ang malaking gantimpala!  Sa paanong paraan natin magagaya ang matalinong katulong?  Ang pagiging aktibo sa mga gawaing-pangkomunidad at pang-parokya, ang pagsisikap na makaiwas sa mga tukso at kasalanan, ang patuloy na pagtanggap ng mga sakramento at masigasig na pagbabasa at pagninilay para mapalalim ang pagkilala at pagmamahal sa Diyos – ito ang katiyakan ng langit sa lupa, Amen.