Daughters of Saint Paul

ABRIL 18, 2019 HUWEBES SANTO

 

EBANGHELYO: Juan 13:1-15

Bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras. Naghahapunan sila at naipasok na ng diyablo sa isip ni Judas na anak ni Simon Iskariote, na ipagkanulo siya. Alam ni Jesus na ipinagkaloob ng Ama sa kanyang kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at sa Diyos siya pababalik. Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang tunika, at nagpasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Nang lumapit siya kay Simon Pedro sinabi nito sa kanya: Hinding hindi mo hugasan ang aking mga paa magpakailanman. Sumagot si Jesus sa kanya “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin.” Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: Panginoon, hindi lamang ang mga paa ko kundi pati na ang mga kamay at ulo.”

Sinabi sa kanya ni Jesus: “Mga paa lamang ang kailangang hugasan ng naligo na dahil malinis na ang buo niyang sarili. Malinis na nga kayo subalit hindi lahat. Kilala na ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya…

Kaya nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, bumalik sa hapag at nagsalita sa kanila: “Nalalaman ba ninyo… Kayo'y tumatawag sa aking 'Guro' at 'Panginoon.' Tama ang pagsasabi ninyo, dahil ako nga. Kaya kung hinugasan ko ang inyong paa, ako na siyang Panginoon at siyang Guro, gayundin naman kayo dapat maghugasan ng mga paa ng isa't isa.” “Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin ninyo gaya ng ginawa ko sa inyo.”

 

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, ibang klaseng guro si Jesus. Ipinakita muna niya sa mga alagad bago niya sinabi ang aral sa likod ng paghuhugas niya ng kanilang mga paa. Pagtuturo sa pamamagitan ng halimbawa. Bilang mga magulang o nakatatanda, natututo sa atin ang mga bata kaya may responsibilidad tayong magbigay ng mabubuting halimbawa. Gayunpaman, matuto rin tayong makinig sa mga bata dahil tunay na mayroon din tayong matututunan sa kanila. Maglingkod tayo at maging bukas din tayong mapaglingkuran. “Give and Take” ‘ika nga. Manalangin tayo. Panginoong Jesus, salamat sa ipinakita mong halimbawa ng paglilingkod. Maisabuhay nawa namin ito araw-araw. Amen. -Vhen Liboon