EBANGHELYO: Lucas 24:1-12
Sa unang araw ng linggo, maagang-maagang nagpunta sa libingan ang mga babae, dala ang mga pabangong inihanda nila. Nang makita nilang naigulong na ang bato sa libingan, pumasok sila pero hindi nila nakita roon ang katawan ng Panginoong Jesus. At habang nalilito sila dahil dito, dalawang lalaking may nakasisilaw na damit ang nagpakita sa kanila. Sumubsob sa lupa ang mga babae sa takot ngunit kinausap sila ng mga ito: “Bakit sa piling ng mga patay ninyo hinahanap yung nabubuhay? Wala siya rito, binuhay siya. Alalahanin ninyo ang sinabi niya sa inyo nang nasa Galilea pa siya: ‘Kailangang ibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga makasalanan, ipako sa krus at mabuhay sa ikatlong araw.’” At naalala nila ang sinabi ni Jesus. Pagbalik nila mula sa libingan, ibinalita nila ito sa Labing-isa at sa lahat. Sila nila Maria Magdalena, Juana, at Mariang ina ni Jaime. At gayon din ang sinabi sa mga apostol ng iba pang mga babaeng kasama nila. Pero hindi sila naniwala sa kanila kundi inakala nilang guniguni lamang ang lahat ng ito. Gayon pa man, tumindig si Pedro at tumakbo sa libingan; yumuko siya at ang mga telang linen lamang ang nakita, at umuwing nagtataka sa nangyari.
PAGNINILAY:
Narito ang buod ng “Ang Nawawalang Kamay.” Minsan, habang nagdarasal napansin ng isang tao na walang braso at mga kamay ang estatwa ni Kristo na yari sa putik. Naghanap siya nang naghanap, pero, wala siyang makita. Kaya, tinanong niya ang Diyos kung bakit hindi buo ang kahanga-hangang anyo nito. Marahan siyang sinagot, “Ikaw ang aking mga kamay. Hilumin mo ang sugat ng mga nagdadalamhati. Mahalin mo ang mahihirap. Bigyang-pag-asa ang mahihina. Damayan ang napapagal. Bihisan ang walang damit. Sa paggawa nito, aking anak, maibabalik mo ang aking mga kamay.”
PANALANGIN:
O, Jesus, sa iyong muling pagkabuhay, gawin mo kaming kasangkapan para maipaabot sa iba ang iyong pagkalinga at pagmamahal, Amen. -Dr.Lilia Antonio, Ph.D.