Daughters of Saint Paul

ABRIL 23, 2019 MARTES SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Juan 20:11-18

Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama'y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka tumatangis?” “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Jesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n'yo sa akin kung saan n'yo siya inilagay, at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag mo na akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: 'Paakyat ako sa Ama at Ama n'yo, sa Diyos ko at Diyos n'yo.'” Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”

 

PAGNINILAY:

Ayon kay Audrey Hepburn, “Ang kagandahan ng isang babae ay wala sa damit niyang suot, sa hubog ng kanyang katawan, o sa paraan ng pagsusuklay ng kanyang buhok. Ang ganda ng isang babae ay nakikita sa kanyang mga mata dahil ito ang pintuan ng kanyang puso, ang luklukan ng pagmamahal. Ang tunay na ganda ng isang babae ay nasasalamin sa kanyang kaluluwa, sa pag-aaruga na buong puso niyang inihahandog, sa alab na kanyang ipinapakita. Ang ganda ng isang babae ay lalong kumikinang sa paglipas ng mga araw.  Sa isang tawag lamang ni Jesus, nakilala na siya agad ni Maria. Naglahong parang bula ang lahat ng kanyang lungkot, takot, at pagkabalisa.  Napalitan ito ng saya, pag-asa at lakas para maisagawa ang iniuutos niya.

 

PANALANGIN:

O Jesus, loobin mong matularan namin si Maria sa kagandahang-loob at kahandaang sumunod sa iyong mga utos, Amen.-Dr.Lilia Antonio, Ph.D.