EBANGHELYO: JUAN 3:31-36
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa itaas. Makalupa naman ang mula sa lupa, at makalupa rin ang usap niya. Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa Langit. Pinatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit wala ngang tumatanggap sa kanyang patotoo. Pinagtitibay naman ng tumanggap sa patotoo niya na totoo mismo ang Diyos. Binibigkas nga ng sinugo ng Diyos ang mga Salita ng Diyos, sapagkat walang sukat na binibigyan siya ng Diyos at ng Espiritu. Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala ang tanang mga bagay sa kanya. May buhay magpakailanman ang naniniwala sa Anak. Ang hindi naman sumusunod sa Anak ay hindi makakakita sa buhay, kundi ang galit ng Diyos ang sasakanya.”
PAGNINILAY:
Paano natin masasabi na ang isang tao’y sinugo ng Diyos? Ano ang mga katangiang taglay ng mga taong sinugo ng Diyos? Mga kapanalig, ang mga taong sinugo ng Diyos, nagpapatotoo sa nagsugo sa Kanya. Hindi Siya nangangaral sa ganang Kanya lamang kundi ipinangangaral Niya ang turo ng nagsugo sa Kanya. Kung kaya’t madalas sabihin ng Panginoong Jesus na Siya ang isinugo ng Ama upang magpatotoo sa dakilang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang salita at gawa. Sa panahon natin ngayon na maraming nagsisulputang mangangaral tungkol sa Salita ng Diyos, kilatisin natin ang kanilang turo, at alamin natin ang kanilang buhay kung tugma ba ito sa kanilang mga itinuturo? Ito ba’y nagdadala sa atin sa higit na pananampalataya sa Diyos at pag-ibig sa kapwa, naghihikayat sa ating magpakabuti at mamuhay nang naaayon sa kalooban ng Diyos? Kung ang naririnig nating mga turo puro paninira sa pananampalataya ng iba, nagsusulong ng pagkakawatak-watak at nagdudulot ng pagkalito, nag-aangking sila lamang ang tama at ang ibang pananampalataya’y mali – magduda tayo kung sila nga ba’y tunay na mga sugo ng Diyos. Dahil ang mga taong tunay na sinugo ng Diyos nagiging daan sa pagkamit ng kapayapaan at pagkakaisa, may paggalang sa pananampalataya ng iba at unang nagsasabuhay ng kanilang mga itinuturo. Mga kapanalig, sa bisa ng binyag na tinanggap natin, tayo din mga sinugo ng Diyos para magpatotoo sa Panginoong Jesus na Muling nabuhay at maging tagapagpahayag ng Kanyang salita sa paraan ng ating pamumuhay, sa ating salita at gawa. Paano tayo tumutugon sa panawagang ito? Manalangin tayo. Panginoon, itulot Mo pong maging saksi ako ng Iyong buhay na presensiya at pagmamahal sa aking pamilya at komunidad. Amen.