EBANGHELYO: JUAN 6:16-21
Lumusong ang mga alagad ni Jesus sa aplaya. At pagkasakay sa bangka ay nagpunta sa kabilang ibayo ng lawa tungo sa Capernaum. Dumilim na at wala pa si Jesus: at nagising ang lawa dahil sa malakas ang ihip ng hangin. Pagkasagwan nila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa lawa at palapit sa bangka. Nasindak sila. Ngunit sinabi naman niya sa kanila: “Ako siya; huwag kayong matakot.” Kaya gusto nila siyang isakay sa bangka, ngunit ang bangka ay bigla nang nasa pampang na patutunguhan nila.
PAGNINILAY:
Para sa mga Judio noong panahon nin Jesus, kumakatawan daw sa kapangyarihan ng kasamaan ang dagat, lawa, at ilog. Naniniwala sila na doon naninirahan ang masasamang espiritu. Kaya naman ang paglalakad ni Jesus sa lawa, hindi lang nagpapatunay ng kakaibang kapangyarihan Niya kundi higit sa lahat, kapangyarihan Niya laban sa kasamaan at masasamang espiritu. Dapat nating tandaan na sa Lumang Tipan, si Yahweh lang ang may kapangyarihang mangibabaw sa tubig. Gayundin sa Lumang Tipan, ipinakilala Niya ang sarili Niya bilang AKO SIYA. Samakatuwid, ang paglalakad ni Jesus sa lawa at sa wika Niyang AKO ITO, nagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos. Kaya sa larawan ng Diyos, sa pagkatao ni Jesus, wala ng iba pang kapangyarihang nakikita o di nakikita na hihigit pa sa Kanya. Nakapagpapalakas ng loob isipin na sa oras ng kagipitan o anumang paghihirap, maririnig nating sinasabi ni Jesus na: AKO SIYA! Huwag kayong matakot! Sa pagkakataong halos malunod tayo sa mga dambuhalang alon sa dagat ng buhay – ang kawalan ng tirahan at permanenteng trabaho, ang di mapigilang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, ang El Nino phenomenon na ating nararanasan, ang nakakalunod na pangako ng mga kandidato na nangangailangan ng masusi nating pagkilatis kung sino nga ba ang nararapat na iluklok na pinuno ng ating naghihirap na bansa. Mga kapanalig, anumang mangyari narito ang tiyak at matibay na buhay na Salita ng Panginoon na makapangyarihan sa lahat ng bagay. Narito si Jesus na nagtagumpay maging sa kamatayan. Handa ka bang itaya ang lahat sa Kanya? Naniniwala ka bang wala kang dapat ikatakot o ikabahala dahil kasama mo Siya? (Sr. Lines Salazar, fsp)