EBANGHELYO: JUAN 21:1-14
Muling ibinunyag ni Jesus ang kanyang sarili sa mga alagad sa may Lawa ng Tiberias. Ibinunyag niya nang paganito. Magkakasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas…at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, wala ba kayong isda?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Sinabi naman niya sa kanila: “Ihulog n’yo sa bandang kanan ng bangka ang lambat at makakatagpo kayo.” Kaya inihulog nga nila at hindi na nila makayanang hilahin iyon dahil sa dami ng isda. Kaya nang makalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na kinaihawan ng isda at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Magdala kayo mula sa mga isda na nahuli n’yo ngayon.” Kaya lumulan si Simon Pedro at hinila ang lambat tungo sa pampang, gayong puno iyon ng sandaa’t limampu’t tatlong malalaking isda. Bagamat napakarami noon, hindi napunit ang lambat. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Wala namang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Kayo ba’y sino?” dahil alam nilang ang Panginoon iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Ito na ang ikatlong pagpapahayag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.
PAGNINILAY:
Tinatawagan tayo ng Ebanghelyong ating narinig na laging sikaping mamuhay sa tunay na pag-ibig, sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Dahil sa katapusan ng ating buhay, sa sandaling makikipagharap tayo sa Panginoon sa paghuhukom, tanging tunay na pag-ibig lang ang magiging pasaporte natin para makapasok sa Kaharian ng Langit. May tatlong katangian ang tunay na pag-ibig. Una, nanggagaling ito sa Diyos. Ikalawa, merong pag-uugnay at pagtutugma ng puso, isip, at gawa sa isang tao. At ikatlo, laging may kasamang hirap at sakripisyo. Suriin natin ang pagsabuhay natin ng pag-ibig kung meron ba tayo ng tatlong katangiang ito. Mga kapanalig, kung paano tayong inibig ng Diyos, ganung pag-ibig din ang inaasahan Niyang igawad natin sa ating kapwa. Hilingin natin sa Diyos ang biyayang/ makatugon sa panawagan Niyang ito. (Sr. Lines Salazar, fsp)