EBANGHELYO: JUAN 6:44-51
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Walang puwedeng lumapit sa akin kung hindi siya ihahatid ng Amang nagsugo sa akin. At ako ang magbabangon sa kanya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: ‘tuturuan nga silang lahat ng Diyos.’ Kaya ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lumalapit sa akin.
“Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay na walang-hanggan ang naniniwala sa akin.
“Ako ang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang huwag mamatay ang kumain nito. Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.”
PAGNINILAY:
May mga pagkaing masasabi nating walang laman o kulang sa laman o puro hangin lang ang laman; ’yung tipong hindi ka mabubusog kahit paulit-ulit mo itong kainin. Sa advertisements ng restaurantso fastfood chains, kapansin-pansing halos pinupuno nila ng laman ang picture o poster ng pagkain kanilang ibinibida o kaya naman mas pinalalaki nila ang pictureng pagkain para masabing malaman nga ang pagkaing ito at maeengganyong bumili ang sinuman. Sa Ebanghelyo, matalinghaga ang mga binitiwang salita ni Jesus. Ginamit niya ang salitang “laman” para iparating sa atin ang kanyang todo-todong pagbibigay ng sarili hanggang sa kamatayan. Hindi lang ito makikita sa pictures o posterskundi nasaksihan mismo ito ng mga alagad ni Jesus. Magpahanggang ngayon, masasaksihan pa rin ito lalo na sa bawat pagdiriwang ng banal na Eukaristiya. Kung tinatanggap natin si Jesus araw-araw sa banal na Eukaristiya, nagkakaroon ng laman ang ating katawan at kaluluwa. Hindi lang tayo basta tao na may katawan at laman kundi meron din tayong kaluluwa na nangangailangan din ng atensiyon at “laman,” laman na tanging kay Jesus lang matatagpuan. Kung nais nating mapuno tayo ng laman ni Jesus, palagi nawa natin siyang tanggapin sa Eukaristiya, sa mga sakramento, sa Simbahan at sa kanyang mga salita. Higit sa lahat, kung papaanong ibinigay ni Jesus nang buong-buo ang kanyang laman para sa ikabubuhay ng mga tao, sana tayo rin mismo’y magbigay nang buong-buo ng ating sarili sa ating mga minamahal sa buhay at maging sa mga taong nangangailangan. -Cl. Micha Miguel Competente, SSP