Daughters of Saint Paul

MAY 10, 2019 BIYERNES SA IKA-3 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: JUAN 6:52-59

Nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng karne para kainin?” Kaya sinabi sa kanila ni Jesus, “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay sa inyong kalooban. May buhay na walang hanggan ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo at ibabangon ko siya sa huling araw.

“Sapagkat tunay na pagkain ang aking laman at tunay na inumin ang aking dugo. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng buhay na Ama at may buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang kumakain sa akin.

“Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi para kainin at mamatay tulad sa inyong mga ninuno. Mabubuhay naman magpakailanman ang kumakain ng tinapay na ito.” Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.

PAGNINILAY:

Hindi madaling unawain ang mensahe ng ating Panginoon tungkol sa kanyang katawan at dugo. Dapat alalahanin na karugtong ng ebanghelyo sa araw na ito ang naunang bahagi na nagsasabing Si Hesus ang Tinapay ng buhay. Ang tinutukoy na tinapay ni Hesus, hindi ordinaryong tinapay na katulad ng ating nabibili sa mga tindahan. Bagkus si Hesus mismo ang tinapay na ito, siya ang nagbibigay buhay, at ang pag-bibigay niya ng kanyang katawan at dugo, isang paanyaya na makibahagi tayo sa kanya.  Naaalala ko pa ang aking 1stcommunion noong Grade 4 ako. Bago namin tanggapin ang Katawan ni Kristo, itinuro muna sa amin kung ano ba ang tinapay na iyon at ano ang aming mararanasan kapag tinanggap namin ang Katawan at Dugo ni Kristo: Ang tinapay na ito ang bubusog at papawi sa ating gutom espiritwal. Tulad ito ng makina ng sasakyan na kailangan ng gasolina at langis para umandar.  Ang ating gasolina, para magkaroon ng buhay na walang hanggan, ay ang pakikibahagi sa Tinapay ng Buhay, sa Kanya mismong buhay; Si Hesus, ang kanyang katawan at dugo, ang Tinapay ng Buhay na tinatanggap natin. Mga kapatid, full tank pa ba ang ating gasolina? Alalahanin nating kapag walang gasolina ‘di aandar ang sasakyan. Gayon din naman, patuloy tayong inaanyayahan ng Panginoon na makibahagi tayo sa Kanya, Siya na muling nabuhay at pinawi ang dilim ng kamatayan.  Ang tumatanggap sa Kanya’y mabubuhay kasama N’ya hanggang sa buhay na walang hanggan. Amen. 

– Sem. Kerence Fritz Faderanga, Aspirant ng Society of St. Paul