Daughters of Saint Paul

MAY 12, 2019 IKAAPAT NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY (K)

EBANGHELYO: JUAN 10:27-30

Sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Naririnig ng aking mga tupa ang aking tinig, at nakikilala ko naman sila, at susunod sila sa akin. Buhay na walang hanggan ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. Mas dakila kaysa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami ng aking Ama.”

PAGNINILAY:

Madalas kong marinig ang mga katagang ito buhat sa Ebanghelyo sa mga misa at kumpisal dito sa seminaryo, lagi itong binabanggit ng isa sa aming pari. Sa ilang ulit kong narinig ito sa kanya, ganun katagal ko ring ‘di ito naiintindihan. Nauunawaan ko ang sinasabi nya, pero ‘di ito tumitimo sa ‘king puso. Hindi ko lubos maintindihan dahil hindi ko naman naririnig ng hayagan ang boses ni Hesus. Wala namang tinig na nanggaling sa langit at biglang kumakausap sa akin. Madalas ko ngang hiling at dinarasal, na sabihin ni Lord sa akin kung ano ang dapat kong gawin sa aking buhay, pero walang sagot. Katahimikan! Isang nakabibinging katahimikan ang madalas na naririnig ko mula kay Lord. Pero ‘di ko akalain, na isa pala ito sa mga paraan Niya upang kausapin ako, tayo. Sabi nga, “Nagsasalita ang Panginoon sa katahimikan”. Sa panahong nagdarasal ako ng tahimik, doon ko lalong nakikilala ang aking sarili. Napapagtanto ko ang napakaraming kamalian, pagkukulang, pati na rin ang mga nagawa at gagawin kong kabutihan. Isa pa ring paraan ng pakikipag-usap ng Diyos ay ang araw-araw nating mga karanasan. Nararanasan natin ito sa ‘ting pakikipag-ugnayan sa pamilya, kaibigan o sa iba pang tao; sa mga karanasan natin noon at ngayon; kahit nga sa mga maliliit na bagay na nangyayari araw-araw. Minsan pa nga, sa gabay ng Panginoon, kahit ang mga kinaiinisan natin ay natuturuan tayo ng mahalagang leksiyon.  Lahat ng karanasan, ginagawang pagkakataon ng Panginoon upang makausap tayo. Kinakailangan lamang na makinig at maging sensitibo tayo. Ngayong Linggo, pagnilayan natin ang mga karanasan natin na maaring pamamaraan ng Panginoon upang tayo’y makausap. Anu-ano o sinu-sino ang mga naging daan ng Panginoon upang bigyan ako ng mensahe?  O kaya’y, paano tayo nagiging tagapaghatid ng mensahe ng Panginoon sa ating kapuwa tao?  Dinggin natin ang Tinig ng ating Pastol: sa katahimikan, maging sa araw araw nating mga karanasan.

–  Sem. Jean Carl Nathaniel E. Supan, aspirant ng Society of St. Paul