EBANGHELYO: JUAN15:9-17
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin n’yo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko tulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo. “Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. “Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan dahil hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. “Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga n’yo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin n’yo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”
PAGNINILAY:
Ang ikalimang kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, naglalahad ng pakikiisa natin kay Jesus. Siya ang puno at tayo ang mga sanga. Upang manatiling buhay ang mga sanga kailangan nitong laging nakakapit sa puno. Kapag pinutol ang sanga sa puno, mamamatay ito. Naalala ko tuloy ang mga puno sa dati naming bahay sa tabi ng palayan. Kapag ang puno ng bayabas, nababalot na ng mga baging, hinahanap ko yong pinakapuno ng baging at pinuputol ko. Pagkalipas ng ilang araw, tuyo na lahat ang baging na bumabalot sa puno at lumilitaw na ang mga bayabas. Sa ating binasa tinuturuan tayo ni Jesus kung paano tayo mananatili sa kanya. Sabi sa bersikulo sampu, “kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig.” Kung ganon, ang pagsunod natin sa mga utos ng Diyos ang susi upang manatili tayo sa pag-ibig ni Jesus. Ang ating pagsuway rito ang siyang maglalayo sa atin sa kanya. Ang mga kasalanang ayaw nating pagsisihan ang pumuputol sa ating ugnayan sa Diyos. Mas mapalad tayo sa mga baging. Kapag naputol na sila sa puno di na maaring ibalik kaya namamatay na. Tayo, kapag nagsisi at nagbalik-loob sa Diyos, maibabalik pa natin ang daloy ng mabiyayang buhay. Manatili nawa tayo sa Panginoon nang sa ganon, patuloy tayong mabuhay sa ilalim ng kanyang pag-ibig at pagpapala. -Sr. Lourdes Ranara, fsp