EBANGHELYO: JUAN 12:44-50
Malakas na sinabi ni Jesus: “Ang naniniwala sa akin ay hindi sa akin naniniwala kundi sa nagsugo sa akin. Ang nakakasaksi sa akin ay nakakasaksi sa nagsugo sa akin.
“Dumating ako sa mundo bilang liwanag upang hindi sa dilim manatili ang bawat naniniwala sa akin. Kung may nakakarinig sa aking mga salita at hindi ito iingatan, hindi ako ang humahatol sa kanya, sapagkat hindi ako dumating upang hukuman ang mundo kundi upang iligtas ang mundo.
“May huhukom sa bumabalewala sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita. Ang salitang binigkas ko ang huhukom sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nangusap sa ganang sarili; ang nagsugo sa akin, ang Ama, siya mismo ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin ko at paano ako magsasalita. Alam ko na buhay na walang hanggan ang utos niya. Kaya lahat ng binibigkas ko’y binibigkas ko gaya ng sinabi sa akin ng Ama.”
PAGNINILAY:
Meron tayong kasabihan na “Ang minamahal, pinakikinggan”. Katulad sa ating mga magulang, dahil mahal nila ang isa’t isa, nagbibigayan sila at nakikinig sa mga hinaing ng bawat isa. Ganon din tayo sa kanila. Bilang ganti sa kanilang pag-aaruga at pagpapalaki sa atin, iginagalang, pinakikinggan at pinahahalagahan din natin sila. Ganito din ang ipinapahiwatig ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon. Dahil sa pagmamahal N’ya sa Ama, lahat ng kagustuhan at kalooban ng Diyos Ama, sinusunod at ginagawa N’ya bilang tanda ng pagmamahal na ito. Ang dakilang pag-ibig na ito ang s’yang bumibigkis sa kanila, kaya’t lagi silang nagkakaisa sa lahat ng pagkakataon. Dahil dito, nalulugod ang Ama kay Hesus…di nga ba’t kinumpirma ito ng Ama sa mga pagbasa lalo na sa Bundok ng Tabor at sa Ilog ng Jordan. Tayo, sinisikap din ba nating makipagniig o makipag-usap ng masinsinan sa Diyos, katulad sa ating Panginoong Hesus, upang kalugdan din tayo ng ating mahal na Ama? Di nga ba’t tayo’y Kanya ding mga minamahal. Tunay nga, na tayo’y Kanyang mga minamahal ding anak dahil tinubos na tayo ng Poong Hesus. Ginawa ni Hesus ang lahat upang tayo’y mapalapit sa Diyos Ama, at ang ating butihing Ama, masiglang nag-aantay palagi sa ating paglapit at pakikiisa sa Kanya. – Sr. Lyn Lagasca, FSP
PANALANGIN:
Panginoon, marapatin po ninyong maging karapatdapat at kaayaaya din kami sa Inyong mga mata. Amen.