Daughters of Saint Paul

HUNYO 28, 2019 BIYERNES SA IKA-12 LINGGO NG TAON Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Jesus

 

EBANGHELYO: Lk 15:3-7

 

PAGNINILAY:

Ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, pagdiriwang ng isang pusong naghahanap ng isang minamahal. Ang talinhaga ng nawawalang tupa, pagpapahayag lamang na patuloy tayong hinahanap ng Diyos upang makapiling Niya tayo. Hindi Niya hahayaang malublob tayo sa putikan ng kasalanan.  Hindi Niya matiis na ang pinakamamahal Niyang anak na pinag-alayan Niya ng dugo – tayong lahat ‘yun – mapapahamak na lamang basta. May mga pagkakataon sa ating buhay na napapalayo tayo sa Diyos – bunga ng ating kasalanan, pagkamakasarili at katigasan ng ulo.  Gusto nating gawin, anuman ang maibigan natin!  Ayaw nating pasakop sa kalooban ng Diyos, maging ng ating mga magulang.  Dahil dito, napapasama tayo!  Nawawalan ng direksiyon ang ating buhay!  At sunod-sunod na dagok ng tadhana ang nararanasan natin.  At sa pagkakataong ito sinasabi natin na malas tayo; malupit ang tadhana; pinarurusahan tayo ng Diyos; at kung anu-ano pang paninisi na tayo rin naman ang may gawa.  Mga kapatid, kapag nasa ganito tayong sitwasyon, tayo ang isang nawawalang tupa sa Ebanghelyo, na hinahanap ng Pastol. Malamang matagal na tayong hinahanap ng Diyos. Pero tayo mismo ang lumalayo; tayo ang nagtatago sa Kanya. Sa totoo lang, ang mga kamalasang nararanasan natin, ang mga hirap at pighating dumudurog sa ating puso – pawang bunga ng ating maling desisyon. Bunga ng ating maling paggamit ng kalayaan, at pagbalewala sa Diyos sa ating buhay.  Kaya sa pagdiriwang ngayon ng Kamahal-Mahalang Puso ni Jesus, pinapaalalahanan tayo na bumalik sa Kanya. Taos-pusong pagsisihan ang kasalanan at buong kababaang loob na damhin ang Kanyang awa at pagpapatawad.  Amen.