EBANGHELYO: Mt 8:23-27
Sumakay si Jesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. Walang anu-ano’y nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at parang matatabunan na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Jesus. Ginising siya nila na sumisigaw: “Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!” At sinabi ni Jesus: “Ba’t kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniniwala?” Bumangon siya at inutusan ang mga alon at hangin, at tumahimik ang lahat. Nagulat ang mga tao at sinabi nila: “Anong klaseng tao ito? Sumusunod sa kanya pati ang hangin at dagat.”
PAGNINILAY:
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Cleric Buen Andrew Cruz ng Society of St. Paul. Madalas nating naririnig ang mga larawan ng dagat, bangka, pangingisda sa ating Ebanghelyo. Ito ang ikinabubuhay ng mga Tao sa paligid at ng ilan sa mga alagad ni Hesus. Ito ang kanilang mundong kinagagalawan. Alam ninyo, Malapit sa aking puso ang mga larawang ito, bangka, dagat, mangingisda sa pagkat ako ay Apo at Anak ng Mangingisda. Nahahabi sa kasaysayan ng aking pamilya ang dagat. Sa aking paglaki, dala-dala ko sa Aking puso at isip ang marahang paglubog ng araw ka sabay ng marahang daluyong ng alon na humahampas sa dalampasigan. Lambat, sariwang huli, hipon, alimango, sariwang isda. Maraming biyaya ang dagat. Mga yamang ang panawagan sa atin ang sila’y pangalagaan. Tunay na malaki ang naitutulong ng dagat sa atin. Ngunit minsan, mabagsik din ang dagat. Sa tuwing may darating na unos o bagyo tunay na nakatatakot ang lakas ng hampas ng alon ng dagat. Malaking pinsala ang nagagawa ng isang storm surge lalo na ng kinatatakutang tsunami. Hindi biro magalit ang dagat. Marahil ganoon na lamang ang takot at pangamba ng mga alagad nang abutan sila ng bagyo sa gitna ng dagat. Sa labis nilang pangamba nalimutan nila na kasama nila Si Hesus, ang tunay na May ari ng dagat. Kaya’t ang unang tanong sa kanila ni Hesus, Bakit kayo natatakot? Oo Tama, nakatatakot kapag humaharap tayo sa mga pagsubok sa buhay. Sa tuwing May unos maaari tayong umiyak, masaktan, Ngunit Hindi tayo dapat sumuko, Hindi tayo dapat magtago. Ipinapaalala sa atin ngayon, Tayo ang nagpapatakbo ng ating bangka sa dagat ng buhay, ngunit Hindi tayo ang May ari ng dagat. Sa Isang Salita lamang ni Hesus, sumusunod ang dagat. Mga kapatid, ano mang unos ang dumating, alalahanin natin, kasama natin Si Hesus. Siya ang may ari ng dagat. Siya Lang ng makapagpapahupa ng kahit na anong unos na ating pinagdadaanan. Tiwala Lang, kasama natin siya araw araw. Amen.
