EBANGHELYO: Mt 9:14-17
Lumapit ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno. Walang magtatagpi ng bagong pirasong tela sa lumang balabal sapagkat uurong ang tagpi at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputok ang mga sisidlan at matatapon ang alak at masisira rin ang mga sisidlan. Dapat lagyan ng bagong alak ang bagong sisidlan; sa gayo’y pareho silang tatagal.”
PAGNINILAY:
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat niSem. Jean Carl Nathaniel Supan, aspirant ng Society of St. Paul. Ako’y kasama sa unang batch na nagtapos ng bagong curriculum ng DepEd, ang K-12. Marami akong pwedeng sabihin sa karanasan ko dito dahil ito talaga’y samu’t sari. May mga karanasan ng matinding pighati, at pagkainis, pero marami ring karanasan ng todong kaligayahan at magagandang samahan sa aking mga kaklase. Kaso, noong panahon na ako’y nandoon, mas madalas akong nakatingin sa mga pangit at malulungkot na pangyayari. Hindi ko lubos na ikinasaya ang aking buhay Senior High School dahil dito. Kaya’t pagdating ng aming graduation, hindi ko rin ikinaligaya ang aming pagtatapos. Ang naiisip ko lang noong panahon na ‘yon ay umuwi. Dahil nasa isip ko rin ang pagpasok ng kolehiyo, Binalewala ko ang mga nangyayari ng mga panahong iyon. Iniisip ko kung saan nga ba patutungo ang aking buhay. Ngayong nasa kolehiyo na ako, napagtanto ko na hindi pala tama ang ugali ko noong panahong iyon. Hindi ko nakita kung ano ang mga nangyayari sa kasulukuyan. Dahil wala ang isip at puso ko sa ang nasa kasulukuyan, hindi ako naging maligaya sa buhay ko. Sa linggong ito, pinapapaalahanan ako at tayo ng Panginoon na mabuhay sa kasulukuyan. H’wag tayong magpapakulong sa pag-iisip ng ating nakaraan na hindi natin mababago o ating kinabuksan na hindi natin malalaman. Tandaan lamang natin na maging masaya tayo sa kasulukuyan dahil kasama natin ang Diyos. Siya ang bahala sa ating nakaraan, kasulukuyan, at kinabukasan. Mga kapatid, ano- ano ang humahadlang sa ating na mamuhay sa kasulukuyan?
