Daughters of Saint Paul

HULYO 9, 2019 MARTES SA IKA-14 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MATEO 9:32-38

May nagdala kay Jesus ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao at kanilang sinabi: “Wala pang nangyaring ganito sa Israel.” Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo: “Nagpapalayas siya ng demonyo sa tulong ng pinuno ng demonyo.” At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”

 

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Bro. Micha Miguel L. Competente ng Society of St. Paul.  Bilang mga Kristiyano, may malaking papel tayong ginagampanan sa lipunan. Tayo ang nagsisilbing boses sa mga sitwasyong nawawalan na ng hustisya, lumalaganap ang mga pang-aabuso, karahasan, kasinungalingan at kahirapan. Tayo ang konsensiyang magbibigay tinig sa katotohanan. May tungkulin ang bawat isa sa atin na magsalita lalo na kung may nayuyurakang dignidad at karapatan dahil tulad ni Jesus hindi siya nanahimik at nagbulag-bulagan sa gitna ng pagmamalupit at pang-aabuso ng imperyong Romano sa mga kapwa niya Judio.  Ang kasalanan ang isa sa mga mapanirang puwersa sa buhay natin na kung saan pinipigilan tayo magsalita tungkol sa awa at pag-ibig ng Diyos. At kung patuloy tayong nabubuhay sa kasalanan, nawawalan din tayo ng boses na ipahayag ang kanyang mensahe. Mas pipiliin pa natin na huwag na lamang makialam at manahimik na lang. Hindi tayo maglalakas-loob na na labanan ang mga kasamaan sa ating paligid. Matatakot tayong pumuna at itama sa wastong paraan ang taong nagkamali o nagkasala dahil maaalala natin ang ating mga kasalanan at maaari rin itong gamitin laban sa atin. Mawawalan tayo ng gana na maging isang mapagmalasakit sa ating kapwa. Dagdag pa rito, kapuna-puna rin ang mga salitang namumutawi sa bibig ng mga taong nabubuhay sa kasalanan. Madalas, puro kasinungalingan, pambabastos at pagmumura. Pero kung nabubuhay tayo sa awa at pagmamahal ng Diyos, hindi kailanman tayo mananahimik sa gitna ng kasamaan sa ating paligid. Sa katunayan, magiging bukam-bibig pa natin ang pagmamahal ng Diyos at magkakaroon tayo ng lakas ng loob at sigla na ipahayag ito. May oras para sa pananahimik at may oras din ng pagsasalita. Kailan ba tayo nagsalita tungkol sa pagmamahal ng Diyos? Kailan ba tayo nagsalita upang labanan ang karahasan at kasamaan sa ating paligid?