EBANGHELYO: Mt 14:1-12
Umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya magkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.” Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta. Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista.” Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina. At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita nila ito kay Jesus.
PAGNINILAY:
Isinulat ng aming madre na si Sr. Gemmaria dela Cruz, ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Marahil maganda si Salome, maindayog sumayaw, malamang na masiglang dalagita siya. Pero hindi hinog ang pag-iisip. Totoo na mainam humingi ng payo sa ina. Pero hindi siya nagtanong kung bakit “ulo” ni San Juan Bautista ang regalo na hihilingin nya. Ibig sabihin, si San Juan na nasa panig ng Katotohanan, pupugutan ng ulo? Si Salome, tagsibol sana ang edad. Pero bakit “panat” ang desisyon? Sabi nga ni Pope Francis, sa “Christus Vivit” o “Buhay si Kristo” na payo tungkol sa mga kabataan, “Ang kabataan daw ay puno ng buhay sa kalooban, puno ng “inner vitality”. Ibig sabihin, puno ni Kristo ang puso niya. Angat sa pagpapahalaga niya ang kapwa. Kaya kung kabataan ka, gising! Nasa iyo ang buhay na “Kristo!” Iwasang matulad kay Salome.
PANALANGIN:
Panginoon, gabayan Mo po ang mga kabataan sa tamang pagpapasya na naaayon Sayong mahal na kalooban. Mapuspos nawa ang kanilang puso at isip ng Iyong Banal na Espiritu nang mamuhay sila sa liwanag ng Ebanghelyo. Amen.
“