EBANGHELYO: MATEO 16:13-23
Pumunta si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” “May nagsasabi pong si Juan Bautista kayo; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag sa iyo nito kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.” At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya ang Mesiyas. Mula sa araw na iyon, ipinaalam ni Jesucristo sa kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem” pahihirapan siya ng mga Matatanda ng mga Judio, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinumulang pagsabihan: “Huwag sana, Panginoon! Hindi ito puwede.” Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi sa kanya: “Sa likod ko, Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao.”
PAGNINILAY:
Isinulat ng aming madre na si Sr. Edith Ledda ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Ang mabuting balitang narinig natin, tinatawag sa ingles na “The confession of St. Peter.” Dito, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad kung sino siya para sa kanila. Si Pedro ang sumagot na “Ikaw ang Mesias, ang Anak ng Diyos sa buhay.” Sinabi ni Jesus na ang Amang nasa langit mismo ang naghayag nito sa kanya. Sa pagkakataong ito, ipinagtagubilin ni Jesus kay Pedro ang kanyang Iglesia; nakatayo sa ibabaw ng bato, matibay, matatag at walang anuman ang makapananaig nito kahit na ang pintuan ng impiyerno. Ibinigay din kay Pedro ang susi ng kaharian ng langit, na may babalang: ano man ang talian niya sa lupa, tatalian sa langit; at ano man ang kalagan niya sa lupa, kakalagan rin sa langit. Mga kapatid, Dito po ibinasi ang sakramento ng kumpisal para sa ating mga katoliko.
PANALANGIN:
Panginoon, sa kabila ng mga batikos at iskandalong kinakaharap ng Iglesya Katoliko, dahil sa mga pari at obispong nahulog sa tukso at pagkakasala, matanto nawa namin na hindi sa kanila nakakabit ang aming pananampalataya. Hindi sila ang Iglesya, kundi bahagi lamang sila ng Iglesya. Kami pong mananampalataya ang tunay na Iglesya. Sa tulong ng Iyong biyaya at awa, panibaguhin Mo po ang aming Simbahan at ang mga namumuno nito, upang tunay kaming makapagsaksi sa Iyong buhay na presensiya sa kasalukuyang mundo. Amen.
“