EBANGHELYO: MATEO 16:24-28
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili? Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.”
PAGNINILAY:
Sa ating pagninilay sa araw na ito, napakagandang bigyang-pansin ang sinabi ng Panginoong Jesus sa mga alagad: “Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili? Napapanahon ang katanungang ito ng Panginoon… Lalo na sa mundo natin ngayon na maraming tao ang handang gawin ang lahat para sa kanilang ambisyon, kahit ikapahamak ng kanilang kaluluwa. Labis ang pagpapahalaga ng tao sa katanyagan, kapangyarihan, at salapi dahil sa pag-aakalang sa mga ito matatagpuan ang kaligayahan. Kung kaya talamak ang korupsyon, pandaraya tuwing eleksiyon, at pagkagahaman sa posisyon ng ilang pulitiko. Naging manhid na ang konsensiya sa paggawa ng kasamaan. Hindi nakikinig sa hinaing ng mga taong pinaglilingkuran, at hindi marunong tumanggap ng pamumuna mula sa taumbayan. Nakalimutan na yatang ang buhay sa mundo’y pansamantala lamang, at ang kaligayahang dulot ng kapangyarihan, katanyagan at kayamanan, maglalaho sa sandali ng kamatayan. Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo, na tanging sa Panginoong Jesus natin matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Bagamat ang pagsunod sa Kanya’y may kaakibat na pagdurusa. Dahil nangangahulugan ito ng pagtakwil sa ating sariling kagustuhan, lalo na kung taliwas ito sa ipinag-uutos ng Panginoon. Tulad ng ating mga bisyo, mga ugaling nakaka-perwisyo, at ang ating kawalang pakialam makisangkot sa pagdurusa ng iba. Pero, nakasisiguro naman tayo ng buhay na walang hanggan, kapag ini-ayon natin ang ating buhay sa kalooban ng Diyos. Lagi nating alalahanin na pawang manlalakbay lamang tayo dito sa mundo. Hindi talaga ito ang ating tunay na tahanan. Nawa’y ang araw-araw nating pag-iral sa mundo, matuon sa pagkamit ng buhay na walang hanggan kasama ni Kristo Hesus at ng Diyos Ama sa Langit, nang hindi tayo maligaw ng landas patungo sa Diyos na ating pinanggalingan at uuwian magpakailanman. Amen.
“