EBANGHELYO: LUCAS 12:35-40
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang Panginoon. Pauwi siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pagdating niya’t pagkatok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga iyon! Isipin n’yo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo dahil dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi n’yo inaakala.”
PAGNINILAY:
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Sr. Gemmaria dela Cruz ng Daughters of St. Paul. Sa celebration of life namin sa community kamakailan, nag-announce ang Superior na dahan-dahan lang ang pagkain, dahil may darating pang ice cream. Kaya naghintay kami. Kaso matagal dumating ang ice cream kaya nag-give up nang maghintay ang iba, yung iba may gagawin pa. Kaya kaming naiwan, sa pagdadahan-dahan namin ng pagkain, marami kaming napagkuwentuhan. Ang iba gusto nang umalis pero nagtiyaga ring maghintay. Nang dumating ang ice cream, para kaming mga bata na nagpalakpakan at tuwang tuwa. Natigil ako sumandali. Ganito rin ang paghihintay natin sa pagdating ng Panginoon. Una, kailangan ng tiyaga sa paghihintay. Ikalawa, importanteng bigyan ng oras ang magandang ugnayan sa isa’t isa. Hindi yung komo sinabing maghintay, wala ka nang ginagawa. Ikatlo, huwag kang aalis. Lumagi ka sa lugar na hinihiling sa iyo na maghintay. “Walang iwanan”. Ibig sabihin, ano mang mangyari, sa tagtuyot man at tagbaha, sa yaman at walang-wala, sa hirap at ginhawa, manatili. Manatili na tapat at ipinatatagos sa kanyang kilos ang salita ng Diyos. Dito hinuhugot ang gintong pakikipag-ugnayan sa kapwa. Dito rin itinutugma ang matiyagang paghihintay na makamit ang Kaharian ng Panginoon. Kung tututuusin sa nagtitiyaga, sa may magandang pakikipag-ugnayan sa kapwa at nananatiling tapat sa Diyos, nasa atin na ang Panginoon. Lalo pa kaya sa pangakong walang hanggan na kapiling Siya…
“