Daughters of Saint Paul

AGOSTO 14, 2019 MIYERKULES SA IKA-19 LINGGO NG TAON Paggunita kay San Maximiliano Maria Kolbe, pari at martir

EBANGHELYO: MATEO 18:15-20

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi parin makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian ninyo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan ninyo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. “Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako.”

 

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. Eric Mark Sarmiento ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  “Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako.” May mga pagkakataon o madalas para sa ilan, na ninanais nilang manalangin nang nag-iisa.  Dahil ninanamnam nila ang pagkakataong makipag-usap sa Diyos nang sarilinan at makapagnilay sa kung anuman ang mensahe ng Diyos para sa kanila. Siguradong, kinalulugdan ng Diyos ang paraang ito ng panalangin… Pero sa ebanghelyo ngayon, inaanyayahan tayo ng ating Panginoon na makipag-ugnayan sa kanya sa ibang uri naman ng paraan. Ito ang magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa kanya na nagkakatipon-tipon ang mga nananampalataya – ang magtipon upang papurihan Siya.  Maraming paraan upang makatugon sa paanyayang ito. Una sa lahat, ang pagtupad sa paanyaya sa atin na magsimba tuwing araw ng Linggo. Ito ang ating pagkakataon upang makinig sa Salita ng Diyos at tanggapin Siya sa Eukaristiya. Nariyan din ang paanyaya sa atin na magpuri sa Diyos bilang isang pamayanan sa pamamagitan ng ating pakikibahagi sa iba’t-ibang gawaing pansimbahan. May grupo sa mga parokya para sa mga bata, para sa kabataan, sa mga magkabiyak at para sa mga matatanda. Palaging bukas ang mga organisasyong ito para sa mga taong nagnanais na makibahagi. Mga kapatid, masarap sa pakiramdam na malaman na may mga taong kasama ka sa pagpupuri sa Diyos. Hindi lamang ikaw ang nananalangin, kasama mo ang iyong pamayanan upang ipanalangin ang bawat isa. Sa pakikibahagi natin sa gawaing pansimbahan ng ating pamayanan, nawa’y maramdaman natin ang presensya ng Diyos sa mga pagkakataong ito.