EBANGHELYO: LUCAS 1:39-56
Nagmamadaling naglalakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasaok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: Lubos kang pinagpapala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon. At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapaglistas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga bale-wala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.
PAGNINILAY:
Isinulat ng aming madre na si Sr. Gemmaria dela Cruz ang pagninilay sa Ebanghelyo. Sa Pag-akyat sa Langit ng ating Katamistamisang Ina, galing ito sa kalooban at sa kapangyarihan ng ating Diyos Ama. Ayon sa katesismo ito ang natatanging partisipasyon ng ating Ina sa Muling Pagkabuhay ng Kanyang Anak. Tayo rin, sa pag-asam natin ng buhay-liwanag sa kabila, igagawad din ito sa atin. At ngayong araw pagpapa-alala muli ito sa atin na ang buhay natin ngayon, paghahanda sa susunod nating buhay na walang hanggan. Si Maria, kaya buong-buo na inakyat sa Langit bilang Ina ng ating Tagapagligtas, dahil sa sarili niyang dugo at laman nabuo bilang tao si JesuKristo. Kaya sa paghahanda natin sa handog na Muling Pagkabuhay, ngayon pa man gawin na nating buhay si Jesus sa ating kalooban.
“