EBANGHELYO: MATEO 19:3-12
Lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, at magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” At sinabi nila: “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” Sinabi naman niya sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, malibang dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.” Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking may-asawa, walang pakinabang sa pag-aasawa.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi nakapag-asawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pag-aasawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ng aming madre na si Sr. Edith Ledda ang pagninilay sa Ebanghelyo. Tatlong bagay ang nais kong bigyang pansin sa ating pagbasa ngayon. Una, sa plano ng Diyos, ang lalaki at babae lamang ang tamang pag-isahin. Sa kasal, iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at siya ng kanyang asawa’y, magiging isa. Ikalawa, katapatan sa pagsasama ng mag-asawa. Dahil ang sino mang magpalayas ng kanyang asawa, liban sa pangangalunya at pakasal sa iba’y, nagkakasala ng pakikiapid. Ikatlo, pag-unawa at paggalang sa mga tao, na sa simula sa sinapupunan ng ina, sadyang hindi na makakapag-asawa; at paggalang din sa mga taong, sinadyang hindi mag-asawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Mga kapatid, sa ating pananaw at pagtingin sa mga sitwasyon sa ating kapaligiran, paano natin binibigyang halaga ang mga pangaral na ito ng Diyos?
PANALANGIN:
Panginoon, sa kabila ng kalituhang dulot ng samu’t saring pagpapahalaga sa lipunan tungkol sa usapin ng kasarian, mapanindigan ko nawa ang iyong orihinal na plano sa sangkatauhan, na lalaki at babae lamang ang iyong nilalang, na Iyong minarapat na magpakasal at bumuo ng pamilya Sa’yong Ngalan. Matuto nawa akong igalang ang iba pang kasariang nagsisulputan sa kasalukuyan. Amen.
“